KAILAN pa ba namin sinabi sa inyo na nagkakaroon na ng kasunduan ang ABS-CBN at ang ZOE TV? Isang buwan na yata ang nakaraan, hindi ba Tita Maricris?
Kasi maliwanag na hindi kayang mag-survive ng mga TV show kung wala silang on the air broadcast. Hindi puwedeng cable at internet lang. Noong mawala on the air ang ABS-CBN, para na rin silang nabura, kaya humahanap naman sila ng mapupuntahan na makapagbibigay sa kanila ng on air broadcast.
Ang narinig namin noong una, nakikipag-deal sila sa TV5, pero hindi nangyari ang deal. Tapos nga sumunod iyang ZOE. Iyang ZOE payag iyan, dahil galing na rin naman sila riyan eh. Dati nang ginamit iyan ng GMA News TV. Eh noong mag-full digital na ang GMA at hindi na nila kailangan ang isa pang frequency, binitiwan na nila ang deal. Ang deal niyan sa GMA, hindi masyado sa bayad, pero inilalabas ng Channel 7 na mas malakas na estasyon ang worship service ng JIL at iyong programa ni Joel Villanueva.
Ngayon naman sa ABS-CBN, dinala ng Sky Cable ang ZOE TV, na dati ay hindi napapanood sa kanilang cable service. Okey iyon para sa ZOE, madaragdagan ang audience nila. Okey din naman sa ABS-CBN dahil at least on the air na sila. Pero noontime slot pa lang ang sinasabi. Hindi pa alam kung ite-take over ng ABS-CBN ang buong Zoe TV kagaya ng GMA NewsTv noon.
Ganoon din kasi ang naging deal noon ng ABS-CBN doon sa AMCARA network na noong bandang huli ay na-take over nila, at doon na mismo ang control at broadcast sa loob ng ABS-CBN. Hindi na nga masasabing “block time” iyon. Ang block time kasi bumibili ka lang ng oras at ang nananatiling in control ay iyong may-ari ng network. Iyon ang dahilan kung bakit nadamay ang AMCARA sa hindi magandang kapalaran ng ABS-CBN.
Ano kaya ang mangyayari sa kanilang deal ngayon sa ZOE?
Samantala, nagpalabas ng statement ang ABS-CBN ukol sa mga programang ipalalabas nila sa Zoe TV.
Anang TV network, simula Sabado (Oktubre 10), mapapanood na ang mga programa at pelikula ng ABS-CBN sa bagong A2Z channel 11 bilang bahagi ng kasunduan ng ABS-CBN at Zoe Broadcasting Network Inc.
Mapapanood ang A2Z channel 11 sa Metro Manila at mga malalapit na probinsiya.
Magtutulungan ang ABS-CBN at Zoe para maghatid ng entertainment, public service programs, at educational shows sa publiko.
HATAWAN
ni Ed de Leon