“KAHIT na noong araw pa, ilusyon ko si Piolo talaga,”ang bungad na kuwento sa amin ng isang gay movie writer. Eh hindi naman nakakapagtaka o nakabibigla, dahil gay nga siya eh, at pogi naman talaga si Piolo Pascual kaya hindi nakapagtatakang maging ilusyon siya ng mga gay.
“Pero nasira na ang ilusyon ko dahil sa blog ni BB Gandanghari,” dugtong ng gay movie writer.
Bakit, ano ba ang sinabi ni BB Gandanghari tungkol kay Piolo na ikinasira ng kanyang “ilusyon?” Nabanggit ni BB ang pangalan ni Piolo, na alam naman nating kaibigan din niya noon pa man, at hindi naman nila ikinakaila iyon. Pero walang sinabi si BB na ang actor na naka-relasyon ni Rustom Padilla ay si Piolo.
Hindi rin namin maintindihan kung bakit pinipilit nilang ang mga bagay na sinabi ni BB ay kailangang sagutin ni Piolo. Bakit kailangan niyang sumagot kung wala naman siyang kinalaman doon? Siguro kung may dapat mang magbigay ng statement ay iyong isang kinatawan ng LGBTQ. Ano ang masasabi nila sa ginawang pagbubulgar ni BB sa “activity” ng isang kalahi nila.
Tama ba na ikuwento ng isang tao, kahit na sabihing mayroon siyang “presumed authority” mula roon sa taong ikinukuwento niya, na ibulgar ang love affairs niyon. Ang pagbubulgar ba ay may himig ng discrimination, o ikinuwento nang may pagmamalaki? Ikinahihiya ba o ikinararangal? Maraming factors na kailangang isipin eh.
Kung manahimik man si Piolo at hindi siya magalit kay BB, siguro pinaninindigan lang niyang wala siyang kinalaman sa kuwento, tutal hindi naman sinabing siya iyong ikinukuwento. Nabanggit lang ang pangalan niya, at walang sinabing Piolo Pascual. Eh ilang tao ba sa buong mundo ang may pangalang Piolo? Rito nga lang sa palengke malapit sa amin, iyong nagtitinda ng daing na Salinas kung tawagin nila ay Piolo eh.
HATAWAN
ni Ed de Leon