DAPAT lang na hindi magbara-bara ‘Bay ang local government units (LGUs) at pambansang pamahalaan sa pagdedesisyon kung isasailalim sa general community quarantine (GCQ) ang mga lalawigan o siyudad na nasa ilalim pa ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Bagamat marami ngayon ang nakarerekober kapag dinadapuan ng CoVid-19, hindi pa rin natin maikakaila na puno pa rin ang mga ospital ng mga pasyenteng apektado ng virus.
Kaya marami ang nanatili o naghihintay sa hallway, sa emergency room, o sa ambulansiya para ma-admit sa ospital.
Kadalasan nga dumarating na sa antas na kailangan nang dalhin sa ICU ang pasyente bago pa ma-admit.
Huwag din natin kalilimutan na kahit marami ang gumagaling, hindi pa rin tuluyang nasasawata ang CoVid-19. Nariyan pa rin ang virus na kahit anong oras ay handang sumalakay lalo sa mga hindi sumusunod sa health protocols na itinatakda ng mga awtoridad.
Kaya kung sakaling biglang isailalim sa GCQ ang buong bansa, ito ay isang malaking panganib.
Kagabi, inilagay na po ang Iligan City sa ilalim ng MECQ epektibo ngayong araw, September 1 hanggang 30 Setyembre, habang ang Metro Manila o NCR ay nanatiling GCQ.
Isinailalim na rin sa GCQ ang Bulacan at Batangas sa Luzon; ang Bacolod City at Tacloban City sa Visayas.
Habang ang iba pang lugar sa bansa ay nanatiling modified general community quarantine (MGCQ).
Pabor tayo sa desisyong ito ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kailangan talagang maging maingat lalo’t sabi nga nila ay wala na tayong pondo para ipang-ayuda sa mga kababayan nating mawawalan ng hanapbuhay habang nasa mahigpit na restriksiyon o limitadong kilos ang kanilang mga lugar.
E hindi ba’t hanggang ngayon ay marami pa tayong mga kababayang tsuper ng jeepney na namamalimos sa lansangan dahil bawal na bawal pa silang pumasada?!
Huwag na po natin isipin ang mga sarili natin, isipin na lang natin ang ating medical frontliners na marami nang nagbuwis ng buhay alang-alang sa ikasasagip ng buhay ng kanilang mga pasyente.
Tinatawag man natin silang mga bayani ngayon, naniniwala akong mas karapat-dapat na pagtibayin ng batas ang pagtatanghal natin sa kanila bilang mga bayani.
Kalakip nito ng kabayanihang ito ang karampatang benepisyo at kompensasyon na dapat matanggap ng kanilang mga naulilang pamilya.
Pero sabi nga sa Ecclesiastes 9:4 — “There is hope, however, for anyone who is among the living; for even a live dog is better than a dead lion.”
Kaya uulitin ko lang po, ingat-ingat po, alang-alang na rin sa ating mga medical frontliners.