Sunday , November 17 2024

Katutubong ‘Batangan’ mga tunay na FIlipino

NAPAHANGA tayo ng mga kapatid nating katutubo nang ating matunghayan ang isang video upload sa social media, kamakailan.

Sila yaong masikap, maagap, at masipag na kung tawagin ay Batangan, ang lahing pinagmulan ng mga katutubong Mangyan.

Mapapanood ang isang lalaking taga-kapatagan na iniaabot ang pera bilang kabayaran sa naging serbisyo sa kanya ng tatlong Batangan.

Isa-isa rin iniabot ng lalaki ang naipangakong regalo sa tatlong katutubo kapalit ng kanilang pinagtrabahuan.

Pero bukod diyan ay may sorpresa pa palang ayuda ang lalaki sa mga katutubo — mga de lata, noodles at bigas.

Laking gulat ng lalaki nang tumanggi ang mga katutubo na tanggapin ang mga pagkain na hindi kasama sa kanilang napagkasunduan kapalit ng kanilang serbisyo.

Kahit ano’ng pilit ang gawin ng lalaki ay hindi niya nakombinse na tanggapin ng tatlong Batangan ang bukal sa pusong ayuda na kanyang ibinibigay.

Natural, tinanong sila ng lalaki kung bakit kahit anong pilit niya ay ayaw nilang tanggapin ang mga kaloob niyang tulong na wala naman siyang hinihinging kapalit.

Magalang na sinabi ng mga Batangan sa lalaking samaritano na labag sa kanilang tradisyon at kultura ang tumanggap ng anomang bagay sa sinoman na hindi nila pinagpawisan.

Katuwiran nila, mayroon na raw naman silang perang kinita na kanilang ipambibili ng pagkain para sa kanilang pamilya, at ayon sa kanila ay hindi raw ikalulugod ng mga nakatatanda sa kanilang puod o pook ang tumanggap ng anomang bagay na hindi nila pinaghirapan.

Sino ang mag-aakala na may mga kahanga-hanga pa palang mamamayan sa bansang ito na ang dignidad at pagkatao ay sintigas ng bakal na hindi mababaluktot?

Matapos nating mapanood ito ay medyo naluha tayo, nasabi ko sa aking sarili na sila nga pala ang mga tunay na Filipino.

Maaaring ang mga katutubong Batangan ay walang kinaaanibang relihiyon at natamong karunungan na maipagmamalaki subalit ang kanilang dignidad at integridad ay hindi katulad sa sibilisadong lipunan na nabibili ang pagkatao.

Kung ang integridad sana ng mga Batangan ay maisasalin lang sa mga botante at mamamayan, masasabing may pag-asa pa ang ating bansa.

MINANA NG TIYUHIN INIMBOT NI KONSEHAL

KAMAKAILAN, naghain ng kaso ang isang senior citizen na si G. Carlos de Leon ng Taytay, Rizal.

Si Tatay Carlos ay nadenggoy ng malapit niyang kamag-anak na isang dating Konsehal.

Dahil may edad na at ‘di gaanong nakapag-aral, hindi na nakuhang asikasuhin ni Tatay Carlos ang lupang ipinamana ng mga magulang.

Isang umaga ay nagising na lang si Tatay Carlos na ang kanyang minanang lupain ay naibenta na pala sa halagang P29 milyon ng kanyang pamangkin na bale ba ay kanyang inaruga’t pinag-aral.

Ang masaklap, magiging masalimuot na ang pagbawi sa kanyang minanang lupain dahil hindi lang isa kundi apat na ulit pa pala itong naibenta ng pamangkin.

Ang dating konsehal ay kasalukuyang barangay chairman, isang poder na magagamit din sa panggagantso.

Bagamat isinampa na ang kaso sa piskalya, daing ni Ginoong de Leon, mabagal pa sa pagong ang usad ng kanyang reklamo.

Kaya naman pala biglang yaman daw ang damuhong ‘barangay kupitan.’

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *