MAY statement na naman ang ABS-CBN, nananatili raw na kanila ang rights para sa pagsasalin ng Darna sa pelikula, sa telebisyon, o kung saan pang medium. Ayaw nilang bitiwan ang project kahit na sinabi nila na shelved muna iyon dahil hanggang sarado ang mga sinehan, saan nga naman nila ilalabas iyon?
Siguro hindi rin nila mabitiwan ang project dahil natapos na nga nila ang pre-production work, natapos na rin nila ang ilang optical works para sa proyekto, at sinasabi nga nilang halos P140-M na ang kanilang puhunan sa proyektong iyan.
Nalungkot naman ang female star na umaasang siya na nga ang Darna, dahil nangangahulugan iyon ng delayed stardom para sa kanya kung sakali. Naroroon din naman ang isang posibilidad na sa pagsisimula ng proyekto sa darating na panahon, maaaring may panibagong bidang mapili para sa role.
Kung kami ang tatanungin, palagay namin tama lang naman na ipagpaliban na muna iyang paggawa niyang Darna. Maraming naging problema eh. Simula kay Angel Locsin, kay Liza Soberano, at maging ang original na director na si Erik Matti. Tapos noong akala nila buo na, nagkaroon naman ng lockdown. Kung ganyan ang takbo ng proyekto, kailangan muna talagang itigil iyan. Magpalipas muna ng kaunting panahon at saka ituloy kung mukhang ok na ang sitwasyon. Kung kailan magiging ok ang sitwasyon, iyon ang hindi natin alam.
Kahit na magbukas na ang mga sinehan, hindi mo puwedeng basta pakawalan ang ganyan kalaking proyekto. Kailangang maghintay ka pa rin ng panahon na gumanda ang sitwasyon ng industriya para sigurado kang kahit na paano makabawi ka naman.
Sa ngayon, wala pa ang pinakamalakas nilang back up, iyong Channel 2. Kaya marami nga ang nagsasabi na baka iyang Darna, maituloy na lang nila pagkatapos ng 2022.
HATAWAN
ni Ed de Leon