Monday , December 23 2024

‘Burarang’ kampanya ng gov’t sinisi (Sa pagtaas ng COVID-19 cases)

‘BURARA’ ang implementasyon ng administrasyong Duterte sa kampanya laban sa coronavirus disease (COVID-19) kaya patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa sakit.

Mismong sa inilabas kahapon ng Palasyo na Resolution No. 60 ng Inter-Agency Task Force (IATF) on the Management of Emerging Infectious Disease na nagsasaad ng direktiba ng Department of Health (DOH) sa Department of Interior and Local Government (DILG) ay masasalamin ang kaburaraan sa implementasyon ng kampanya laban sa COVID-19.

Ganito rin ang nararamdaman ng mga ilang kawani ng Malacañang matapos mapasok ng COVID-19 ang Palasyo.

Sa IATF Resolution No. 60, ipinalilinaw sa mga lokal na pamahalaan na ang pagbibilang ng 14-day isolation para sa mild at asymptomatic cases ay magsisimula kapag sumailalim sa swab test o nakaramdam ng sintomas ang isang tao.

“DILG is directed to reiterate and cascade recovery policies to the local government units clarifying that counting fourteen (14) day isolation for mild and asymptomatic confirmed cases shall start from the onset of illness or specimen collection,” ayon sa IATF Resolution No. 60.

Dahil dito, nangangamba ang ilang kawani sa ilang tanggapan sa Malacañang sa paglaganap ng COVID-19 sa kanilang workplace dahil pinapapasok pa rin sila sa trabaho habang hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.

May mga nagpositibo umano sa kanila na nalaman lang ang resulta matapos ang ilang araw mula nang mag-swab test kaya nakahalubilo pa nila ang mga kasamahan sa trabaho.

Sa panahon na naghihintay ng resulta ang nagpa-swab test, nakapagkakalat siya ng virus kung sakaling positibo man ang resulta.

“Sana mag-provide sila ng facility na puwede namin pansamantalang tuluyan habang hinihintay namin ang swab test result para hindi na namin iuwi ang virus ng COVID-19 sa aming bahay kapag nagpositibo kami,” sabi ng isang kawani.

Inihayag ni Roque kahapon sa Palace press briefing na ang protocol ng DOH, matapos sumailalim sa swab test ang isang tao na walang sintomas ay maaaring umuwi at kahit hindi na umano mag-isolate, habang ang may sintomas na nag-swab test ay dapat umanong mag-isolate.

Ang pahayag ni Roque ay sinusugan ni National Action Plan Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon at sinabing ang isang asymptomatic at walang direct contact sa isang COVID-19 patient ay hindi na kailangan ikuwarantena.

“Ganito rin ang ginagawa sa ibang bansa. Mapapansin ninyo sa, halimbawa sa Amerika o sa South Korea, iyong mga ordinaryong mga mamamayan nagda-drive-thru, tine-test. Pagkatapos nilang ma-swab, ano na sila, life as normal na lang sila habang hinihintay ang kanilang resulta pero kinakailangan, at paulit-ulit naming gustong sabihin ito sa ating mga kababayan na huwag nating kalilimutang sumunod sa ating minimum health standards – pagsuot ng mask, paghugas ng kamay at pagdistansiya sa ating mga kababayan,” giit ni Dizon.

Noong 29 Hunyo 2020, sinabi ni IATF member at DILG Secretary Eduardo Año na hindi na papayagan isailalim sa home quarantine ang COVID-19 patients sa Cebu at ilalagak sila sa isolation facility.

Aniya, halos kalahati ng 4,000 COVID-19 cases sa siyudad ay naka-home quarantine.

“All positive cases, whether asymptomatic or mild, should be placed in isolation facilities,” sabi ni Año sa DZMM.

Hindi aniya nakatitiyak kung sinusunod ng pasyente ang tamang protocols kapag nasa bahay.

Nauna rito’y sinabi ni Ormoc City Mayor Richard Gomez na hindi siya pabor sa ‘home quarantine’ para sa returnees sa kanilang siyudad mula sa Metro Manila at iba pang karatig lugar.

Sinabi ng akalde, mas malaki ang tsansa na kumalat ang COVID-19 at magkaroon ng community transmission kapag ipinatupad nila ang home quarantine sa kanilang siyudad.

Katuwiran ni Gomez, sa kulturang Pinoy, kalimitan ay mahigit sa isang pamilya ang nakatira sa isang maliliit na bahay kaya malaki ang tsansa na magkahawaan sila at makapagkalat ng sakit sa paglabas nila.

Naitala kahapon ang “highest single-day increase” ng kaso ng  COVID-19 sa Filipinas sa 3,954 new cases. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *