NAGSISIMULA pa lamang ang mga lockdown dahil sa pandemya nang pumanaw ang batikang direktor na si Peque Gallaga. Sa gitna ng dalamhati sa biglaang pagkawala ng kanilang mahal na ama, guro, kasamahan sa trabaho, at higit sa lahat, kaibigan, naisipan ng ilan sa kanyang mga kasamahan sa trabaho na gumawa ng maikling pelikula bilang pahimakas sa kanyang alaala.
Sa isang Zoom meeting ay nabuo nina Lore Reyes, Jo Macasa, at Christian Acuña ang balangkas ng dalawang short films na binalak nilang gawin sa ilalim ng mga limitasyon ng quarantine at lockdown. Ang una ay idinirehe ni Reyes, sa panulat ni Macasa, at ang kabuuan ng pelikula ay kinunan sa bahay sa Berkeley, California ng anak na babae ni Gallaga, si Michelle. Kung iisipin ay nakatulong ang umiiral na lockdown para mabilis na mabuo ang isang proyektong nasa magkakalayong bansa ang mga filmmaker at ang mga artista.
Sa short film na Hello, Mom?, si Michelle Gallaga ay isang bulag na biktima ng isang malagim na home invasion.
Sumunod agad dito ang shooting ng isa pang short film na gamit pa rin ang Zoom app. Ang maikling pelikulang In-House ay tampok si G Toengi na kasalukuyang naninirahan din sa California. Ito naman ay sa direksiyon ni Christian Acuña, na siya ring direktor ng dambuhalang fantasy adventure na Magikland, isang feature film na co-producers sina Gallaga at Reyes. Ang script ng In-House ay isinulat ni Vince Groyon, at naging bahagi ng produksiyon ang ilang kaibigan ni Giselle sa California—ang cinematographer na si Aldrin Samson at ang artistang si Minerva Vier (na siyang naging Art Director ng pelikula).
Sa pagpasok ng isa pang short film na tampok naman si Solenn Heussaff, nabuo ang trilogy na tinawag nilang Quarantina Gothika. Sa direksiyon ni Macasa at script ni Wanggo Gallaga, sa pelikulang Solitaire ay hindi lamang kaisa-isang artista si Solenn kundi siya rin ang naging cameraman at Art Director. At ginawa niya ito sa gitna ng pag-aalaga sa kanyang Baby Thylane at iba pang gawaing bahay sa gitna ng pandemyang Covid-19.
Ang post-production ng trilogy ay nasa kamay ngayon ng Film Editor na si Cedric Regino (na siya ring Sound Designer), ang premyadong kompositor na si Emerzon Texon, at si Richard Francia ng Central Digital Lab na siyang namamahala sa color grading at visual effects.
Nagsimula ang proyekto bilang katuwaan, at “labor of love”, ‘ika nga, sa dahilang wala naman itong budget para sa produksiyon. Ngunit dala ng nakasanayan nang propesyonalismo ng pangkat ni Gallaga ay nagbunga ito ng isang obrang hindi mo sukat akalaing mabuo sa ilalim ng karima-rimarim na kondisyon ng ating buhay sa kasalukuyang panahon.
Ang Quarantina Gothika thriller-trilogy ay mapapanood na simula sa Agosto 1, bilang isang streaming event sa Remembering Peque Gallaga page ng Facebook.
Rated R
ni Rommel Gonzales