“SANAY na akong walang puwesto. Hindi ba noon inalisan na rin ako ng committee chairmanship dahil hindi ako bumoto pabor sa death penalty? Ganoon talaga ang politika, kung hindi ka susunod sa kagustuhan ng majority, may mga mangyayaring ganoon. Pero sa akin kasi, kinokonsulta ko ang mga nasasakupan ko sa Lipa. Pinakikinggan ko sila. Kung ano ang gusto nila, iyon ang ginagawa ko kasi ako naman ay representative lang nila. Anong klase akong representative kung hindi iyong kagustuhan ng nasasakupan ko ang paninindigan ko,” sabi ni Congresswoman Vilma Santos.
Nasabi naman niya iyan dahil sa mga usapan na maaaring tanggalan siya ng puwesto sa mababang kapulungan dahil sa ginawa niyang pagpabor sa ABS-CBN.
“Isipin mo, gaano katagal ba naman ako sa congress, siguro ngayon at the most mga five years kung makukompleto ko ang three terms. Eh gaano katagal kong makakasama ang mga Batangueno? Hindi ba sila ang makakasama ko for life. Kaya sa akin mas pinahahalagahan ko kung ano ang sinasabi ng mga taga-Batangas sa akin kaysa sinasabi ng mga kasama ko,” sabi pa ni Ate Vi.
Pero sinasabi rin ni Ate Vi, mukhang mahihirapan naman iyong sinasabi ng mga nasa oposisyon na maaaring gamitin ang Peoples’ initiative para makakuha ng franchise ang ABS-CBN.
“Una kailangan mo ang ten percent ng voting population ng bawat political district. Kung ako lang pipirma ako riyan pero kailangan mo riyan maraming tao para kumilos. Tapos ive-verify pa iyan isa-isa ng COMELEC, dahil baka kung sino-sino lang ang pumira riyan, at baka taon ang bilangin bago matapos ang verification niyan. Tapos kailangang tumawag ng isang referendum sa buong Pilipinas. Bilyon ang gastos niyan, at wala tayong ganoong pera para sa mga bagay na iyan. Kaya baka mas madali pang maghintay na lang ng tamang panahon at saka ire-file ang isang panibagong application for franchise,” ang sabi pa ni Ate Vi. Mukhang tama naman siya roon.
HATAWAN
ni Ed de Leon