NAUNA nang tinutulan ng Philippine Motion Picture Producers’ Association (PMPPA), ang pinaka-unang samahan ng mga film producer sa Pilipinas, ang regulasyong gustong ipatupad ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa paggawa ng pelikula, at iba pang audio visual materials. Sinabi ng PMPPA na ang regulasyon ay hindi makatotohanan at ang susundin nila ay ang bagong work code na binuo ng Inter Guild Alliance na binubuo ng mga manggagawa sa pelikula.
Ang regulasyon ng FDCP ay tinutulan din ng Directors’ Guild of the Philippines o DGPI, at sinabi pang ang kailangan nila ay “konsulta at hindi dikta.” Nagpalabas din sila ng isang official statement na nagsasabing hindi nila tinatanggap ang regulasyong ginawa ng FDCP ng walang konsultasyon sa mga lehitimong manggagawa sa pelikula.
Tinutulan din iyon ng iba pang audio visual artists, sa pagsasabing “ang mandato nila batay sa batas ng pelikula lamang. Wala silang pakialam sa ibang audio visual productions.”
Noong isang araw, Hulyo 1, 2020, matindi ang naging statement ng mga artista sa pelikula at telebisyon na nagbuo ng isang bagong samahan iyong Aktor, o League of Filipino Actors. Sinabi rin nilang hindi katanggap-tanggap para sa kanila ang regulasyon ng FDCP, at ang gusto nilang ipatupad ay ang regulasyon ng inter guild alliance. Sinabi pa nilang ang regulasyon ay isang pakikialam sa kanilang malayang idea, at limitasyon sa kanilang artistic abilities.
Dalawang bagay ang maaaring bagsakan ng usapang iyan. Una, ang tuwirang balewalain ng industriya ang regulasyon ng FDCP, o kung ipipilit ng FDCP ang pagpapatupad niyon, titigil ang mga lehitimong manggagawa ng pelikula na gumawa ng ano mang proyekto. Lalong lalaki ang problema, dahil mangangahulugan iyan ng kawalan ng trabaho, at lalong pag-urong ng ekonomiya ng bansa. Alin man sa dalawa ang mangyari, talo ang FDCP.
HATAWAN
ni Ed de Leon