UMAANGAL sina Catriona Gray at Vice Ganda sa ginawang pag-aresto sa isang grupo ng mga bakla at tomboy na nag-rally sa Mendiola at patuloy na ipino-protesta ang pagsasa-batas ng Anti Terrorism Bill. Ang sabi ng dalawa, lahat naman ng nag-rally na gays at lesbians ay naka-face mask. Nasunod din naman ang social distancing.
Hindi mo naman masasabing mass gathering talaga iyon dahil 20 lang sila. Pero hinuli pa rin sila ng mga pulis. Kaya nga balak ng mga gay at lesbian na iyon na idemanda ang mga pulis na humuli sa kanila.
Kasabay niyon, nanawagan sina Vice at Catriona kay Manila Mayor Isko Moreno na tulungan ang mga hinuli na tinawag naman nilang Pride 20.
Pero simple lang naman ang sinabi ng mga pulis, pinakiusapan na kasi silang mag-disperse, hindi pa sila sumunod. Wala naman silang permit para sa rally na iyon. Mayroong umiiral na batas sa Maynila na kailangan ang permit bago magsagawa ng ano mang rally. Maaari nga kasi iyong maging sagabal sa mga lansangan ng Maynila. Hindi naman sila nag-rally sa “freedom park” o sa “liwasang Bonifacio” na pinahihintulutan na ang rallies.
Hindi naman sinabi ni Vice at ni Catriona kung sila ay kaisa rin doon sa mga tumututol sa anti terrorist bill kaya sila nakikiisa sa mga gay at lesbians na nag-rally, pero dahil ang dalawa ay identified din sa ABS-CBN, na karamihan ay laban sa panukalang batas na iyon, marami rin ang nag-iisip na kasama rin sila talaga sa protesta, wala man sila sa rally.
Kanya-kanyang paniniwala iyan eh, at iyon ang gusto nila kaya hindi natin sila mapipilit. Tingnan na lang natin kung ano naman ang maitutulong nila sa mga gay ay lesbians na nahuli sa rally.
HATAWAN
ni Ed de Leon