NAITALA ang Filipinas na isa sa may pinakamataas na pagtaas ng kaso ng coronavirus sa rehiyon ng Kanlurang pasipiko sa loob ng halos dalawang linggo–tatlong ulit na mas mataas sa mga kaso sa bansang Singapore na dumaranas ngayon ng pangalawang wave ng infection.
Makikita sa datos mula sa World Health Organization (WHO) na nagtala ang bansa ng 8,143 bagong kaso simula noong 16 Hunyo, pinakamataas sa 22 bansa sa Western Pacific region.
Pumapangalawa ang Singapore na mayroong 2,351 mga bagong kaso sa parehong panahon, habang nakapagtala ng 32 bagong kaso ang bansang China, kung saan nagmula ang SARS-COV-2 na sanhi ng COVID-19.
Simula nang luwagan ng Filipinas ang restriksiyon noong 15 Mayo, pumalo sa kabuuang bilang na 23,588 ang mga bagong kaso, kabilang ang 653 bagong impeksiyon noong Linggo, 28 Hunyo – 66 porsiyento ng kabuuang bilang na 35,455.
Sa lahat ng mga bansang kabilang sa Western Pacific, nangunguna ang mga Filipinas at Singapore na mayroong 17,609 bagong kaso simula noong 15 Mayo.
Dumaranas ngayon ang Singapore ng pangalawang wave ng impeksiyon sa kabila ng papuri rito noong unang bahagi ng taon sa kanilang pagsisikap na makontrol ang pagkalat ng virus.
Ayon kay Mike Ryan, executive director ng Health Emergencies Program ng WHO, posibleng magkaroon ng “second peak of first wave” ng mga kaso ang ibang mga bansa dahil hindi naman tuluyang nakontrol ang virus.
Aniya, kung dumaranas ang bansa ng pangalawang pagtaas ng kaso, ibig sabihin nito ay kumakalat ang sakit na hindi nila nakontrol noon pa man.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga naitalang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng coronavirus ay maaari pang mapagaan sa pamamagitan ng pagbabago ng pagtugon dito.
Ani Beverly Ho, pinuno ng DOH health promotion and communication service, alam ng lahat kabilang ang mga mamamayan at mga pinuno ang dapat gawin bilang pagtugon sa kumakalat na sakit.
Gayondin, nagpapasalamat sila sa mga lokal na opisyal na nagsisilibing mabuting halimbawa sa mga mamamayan a pagsusuot ng mask at pagsunod sa physical distancing.
Sa 738 bagong kasong naitala sa bansa noong Sabado, 560 ang nagpositibo sa huling tatlong araw, pinakamarami sa Metro Manila na mayroong 212 kaso, sinusundan ng Central Visayas na may 184 kaso.
Ang natitirang 178 kaso ay mga pasyenteng nagpositibo sa huling apat na araw kung saan nanguna uli ang Metro Manila sa bilang na 85.
Sa huling bilang noong Linggo, 28 Hunyo, 9,686 na ang gumaling na mga pasyente mula sa COVID-19 kabilang ang 258 na naitalang bagong recoveries.
Umakyat ang death toll sa 1,244 kabilang ang walong pasyenteng naitala noong Linggo at 12 noong Sabado, ngunit ang walo ay pumanaw noong 2 at 15 Hunyo.
Ipinahayag ng DOH noong Sabado, maaaring nahawa matapos ang testing nila sa Metro Manila ang mga LSI na nagpositibo nang makauwi sa kanilang mga probinsiya.
Ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, “one-time testing” lamang ang kanilang ginagawa kaya kung magnegatibo man ang resulta ngunit na-expose sila bago pa man umuwi sa probinsiya, maaari pa rin silang magpositibo sa testing doon.
Sa kaso ng mga locally stranded individuals (LSI) — sinabi ni Vergeire na hanggang limang araw ang hinihintay nila bago lumabas ang resulta at maaaring may nakasalamuha silang may COVID-19 sa loob ng panahong ito.
Ito ang maaaring dahilan kung bakit may mga nagpopositibo sa mga LSI na umuuwi sa kani-kanilang lalawigan kahit negatibo ang resulta bago pa man sila umalis ng Metro Manila.
Dagdag ni Vergeire, ito ang dahilan kung bakit hindi sila pabor sa mass testing dahil kung sasailalim dito ang buong populasyon, kinabukasan ay maaari muli silang ma-expose sa virus, maliban na lamang kung mananatili sa kanilang mga bahay ang mga taong sasailalim sa testing.