MABENTA sa mga manood, mapa-bata o matanda, ang bagong segment ng 24 Oras, ang #ThinkTok.
Base sa intro ni 24 Oras anchor Vicky Morales noong Biyernes, layunin ng #ThinkTok na sama-sama ang viewers na mag-aral ng iba’t ibang leksiyon sa pamamagitan ng telebisyon.
Sakto sa Independence Day ang first topic dahil tungkol ito sa Philippine Flag. Pinangunahan nina Mariz Umali at ng Kapuso child star na si Yuan Francisco ang pagbibigay-kaalaman hindi lang sa pinagmulan at ibig sabihin ng kulay ng ating watawat kundi pati na rin pagbabahagi ng trivia sa watawat ng ibang bansa.
Nakaaaliw si Yuan mapanood na tila nagti-TikTok habang ipinaliliwanag ni Mariz ang mga impormasyon.
Magaling ang konseptong ito na naisip ng 24 Oras dahil kuha nito ang kiliti hindi lang ng mga tsikiting kundi ng mga manonood na mahilig sa nauusong video sharing app. Pero siyempre, mas pinaganda pang lalo ng 24 Oras ang presentation nito.
Sa intro pa nga lang, mapapabilib ka na dahil sa immersive graphics na ginamit dito. Para ngang nasa loob mismo ng classroom si Vicky dahil napaliligiran siya mga school chair. Dahil na rin sa Covid-19, hindi pa makabalik-eskuwelahan ang mga estudyante kaya maganda ang ginawang ito ng 24 Oras dahil hindi lang nare-refresh ang kaalaman natin sa mga lesson sa school, may mga bagong impormasyon pa tayong natututuhan.
Ano kaya ang susunod na lesson sa #ThinkTok?
RATED R
ni Rommel Gonzales