NATATAWA kami sa mga ambisyong lumalabas. Unang lumabas, interesado raw na tumakbong senador sa 2022 si Nora Aunor. Kasunod niyon lumabas ang mga social media post na umano namigay siya ng ayuda sa mga frontliner gayundin sa mga stranded na mga kababayan natin sa NAIA. Kumandidato na noon si Nora bilang gobernador sa bayan nila sa Bicol at natalo siya.
Hinihiling din daw ng ilan na kumandidatong senador sa 2022 si Angel Locsin. Sinasabi nilang sa rami na ng naitutulong sa bayan ni Angel, simula pa noong Ondoy, at kahit na bago pa man iyon, at iyong napakalaking tulong niya ngayong panahon ng lockdown, aba eh hindi nagawa ng kahit na sinong senador ang ganyan kalaking tulong.
Pero ipapaalala lang namin sa inyo na ang pagbibigay ng ayuda ay trabaho ng executive branch ng government, hindi ng legislative branch. Kaya dapat hindi senador, dapat mayor, o governor o kahit na presidente pa. Pero interesado ba sa politika si Angel?
Ngayon naman ang sinasabi nilang maaari ring tumakbong senador ay si Coco Martin? Bakit naman? Masaya ang mga tao sa naibibigay niyang entertainment sa bayan, doon siya magaling. Ano ba ang nalalaman ni Coco sa paggawa ng mga batas para itulak ninyo siyang tumakbong senador? ‘Di ang mangyayari kung sakali aasa lang naman siya sa kanyang staff.
Bago tayo magsulsol sa mga tao na pumasok sa politika, pag-aralan muna natin ang kanilang kakayahan, at huwag namang senador agad. Tumakbo muna sa mas mababang posisyon. Magsimula muna sa mga barangay at saka na kumandidato para sa mas mataas na posisyon. Tingnan ninyo, marami tayong mga opisyal na hindi makatulong kasi walang alam, at nanalo lamang dahil sikat sila.
Hanggang kailan tayo magiging ganyan?
HATAWAN
ni Ed de Leon