SA napanood namin noong isang araw, parang wala namang nabago. Parang nariyan pa rin ang Channel 2. Siguro kasi nga naka-cable kami at ang ginagamit na frequency ng Kapamilya Channel ay iyon ding naka-assign noon sa Channel 2 ng ABS-CBN.
Iyon namang dzMM, inalis lang nila ang call sign na dzMM, pero iyon pa rin ang Teleradyo nila. Ang naiba nga lang ay iyong kanilang night programming na rati naming pinakikinggan. Ngayon ang inilalabas nila sa mga ganoong oras ay replay ng kanilang morning programs sa Teleradyo.
Iyon ngang Channel 2, o Kapamilya Channel, may idinagdag pa ngayong Movie Central na roon sila naglalabas ng mga pelikulang Ingles. Magdamag na silang bukas ngayon, hindi kagaya noong araw na nagsasara ang estasyon kung gabi, at napansin namin magaganda ang pelikula.
Nakabalik na iyong kanilang noontime show, nakabalik na rin ang kanilang mga serye maliban lang doon sa mga itinigil na talaga. Bale ang nakararamdam na lang siguro na wala pa ang ABS-CBN ay iyong mga telebisyong umaasa sa antenna. Dahil iyong naka-cable, at iyong may mga digital box, kahit na nga hindi naman siya iyong TV Plus, nakukuha na ang Kapamilya Channel.
Kaya nga siguro sinasabi ngayon ng mga teleserye fan, kahit na ipinatigil ng NTC (National Telecommunications Commission) at wala pang bagong franchise ang ABS-CBN, maaari naman palang ituloy, kaya wala rin namang problema.
Ang problema, nasa ABS-CBN, dahil hindi naman sila makakakuha ng maraming commercials kung wala silang on the air broadcast. Pero napansin namin, marami na rin naman silang commercials. Kung mapapanatili lang siguro nila iyang ganyan, baka naman hindi na kailangang tanggalin pa at mawalan ng trabaho ang sinasabi nilang 11,000 empleado.
HATAWAN
ni Ed de Leon