SINABI nang diretsahan ni Congresswoman Vilma Santos na pabor siya sa anti-terrorism bill na hiningi bilang urgent measure ng Malacanang sa Kongreso, pero sinabi niyang may reservations siya dahil baka naman magamit iyon sa abuso sa karapatang pantao. May nakikita rin kaming kaunting butas sa batas na iyon, at delikado nga kung iisipin, lalo na kung ipatutupad nang wala sa ayos.
Gaya rin naman iyan ng Tokhang, maganda ang layunin, sumablay sa pagpapatupad.
Pabor kami sa ginagawa ni Ate Vi, na talagang nakatutok siya sa kanyang trabaho bilang isang mambabatas. Talagang makikita mong pinag-aaralan niya lahat ng mga panukalang batas na inihaharap sa kongreso. Aminado naman siya na tinutulungan siya ni Senador Ralph Recto sa pag-aaral ng mga batas. Pero mayroon din kaming “reservations.”
Paano naman ang pagiging aktres ni Ate Vi? Kahit na sabihin mong 21 taon na siyang politiko, hindi dapat kalimutan na mahigit 50 taon naman siyang isang aktres. Aminin man natin o hindi, mas kilala si Ate Vi bilang aktres. Mas maraming accomplishments si Ate Vi bilang isang aktres. Totoo, nakuha na nga niya ang pinakamataas na karangalan para sa isang elected public official, pero maikukompara mo ba iyon sa halos dalawang kuwarto ng kanyang mga nakuhang tropeo bilang isang aktres?
Ang daming artista ngayong walang trabaho, at nangangarap na magkaroon man lang ng pelikula kahit na bit role, tapos si Ate Vi, dahil sa kanyang ibang trabaho, hindi napapansin ang napakaraming offers para gumawa ng pelikula.
Totoo, hindi kailangan ni Ate Vi ang pelikula, pero kailangan siya ng industriya dahil kailangan ngayon ang isang artista na siguradong kikita ang gagawing pelikula. Ang mga sinehan, kung magbukas man, 50 percent capacity lamang ang papayagan, tiyak ang kasunod niyan itataas ang admission prices, eh sino ang manonood kung hindi box office star ang bida? Hindi ninyo masasabing lahat na lang ng pelikula gagawin ni Kathryn Bernardo.
Kailangan namang gumawa na ng pelikula si Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon