PARANG iisa lang ang narinig naming tono ng mga sumusuporta sa muling pagbubukas ng ABS-CBN sa hearing ng kongreso. May nagsasabing, “may utang na loob kami sa ABS-CBN.” May nagsasabi namang, “freedom of the press ang issue, kagaya rin noong ang ABS-CBN ay ipasara ni Marcos.”
Pero may narinig kaming isang makatuturang stand. Maganda ang sinabi ni Deputy Speaker Vilma Santos. Sinabi niyang hindi lang mga empleado ng ABS-CBN ang mawawalan ng trabaho, kundi pati ang may mga related job.
“Hindi lang 11,000, kasi isipin din ninyo iyong mga driver, make-up artists, at alalay ng mga artista. Hindi iyan empleado ng network, pero nasusuwelduhan sila ng mga artista dahil sa kinikita sa network. May mga fashion designer ngang dumaing din. Sa panahong ito halos wala na silang kita dahil ang mga damit ng ibang tao puro RTW. Pero may trabaho sila dahil sa mga artistang kailangan nilang igawa ng damit para sa mga tv show. Hindi lang sila ang kikita, pati mga mananahi nila. Kung iisipin mo ang maaapektuhan sa related professions, doble sa 11,000 iyan. Iyon ang sinasabi ko.
“Hindi batayan iyong may mawawalan ng trabaho sa usaping legal. Pero mayroon tayong moral observance of the law. Tingnan din naman natin kung ano ang moral. Iyang batas, ginagawa natin para makabuti sa mga tao. Hindi iyan ginagawa para sundin lang ng tao. Isipin din naman natin kung ano ang epekto ng ipatutupad nating mga batas.
“Hindi ka basta gagawa ng batas dahil naisipan mo lang. Gagawin mo iyan dahil sa paniniwalang iyan ang makabubuti para sa mga tao. Iyan ang kailangang maging consideration namin lagi.
“Hindi puwede iyong puro ka lang legal, paano naman iyong humanitarian reasons,” sabi ni Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon