MABILIS na sinangga ni Willie Revillame ang “biro” ni Presidential Spokesman Harry Roque, na ngayon ay nag-iisa na lang siya at walang kalaban. May kinalaman ang biro sa franchise ng ABS-CBN. Pero mabilis na sinangga nga iyon ni Willie at sinabing ang gusto niyang mapag-usapan ay ang magiging kalagayan ng bansa dahil sa pandemic, at hindi ang problema sa franchise ng kalabang network.
Inamin din naman ni Willie na malaki ang utang na loob niya sa ABS-CBN. Kung iisipin mo, matagal din namang nagsikap si Willie at totoo namang umangat nang husto ang kanyang career nang mabigyan siya ng break ng ABS-CBN bilang segment host niyong Pera o Bayong. Simula noon, umangat na nang husto si Willie, kaya nga sinasabi niya, siya ang naka-ikot sa tatlong networks, ABS-CBN, TV 5, at ngayon nga GMA 7.
Hindi rin naging maganda ang pag-alis ni Willie sa ABS-CBN, na nauwi pa sa demandahan, lalo na nga at may claims noon ang network na ang ginagamit ni Willie sa kanyang shows ay idea at intellectual property ng network. Nanumbat din naman si Willie na parang pinabayaan siya ng network na humarap sa pamilya ng mga namatay noon sa stampede sa kanyang show sa Ultra. Pero sa kabila niyon, tumatanaw siya ng utang na loob sa network at iyan ay isang magandang halimbawa.
Sabihin na nating sa bawat trabaho ay ganyan. Nagkakapakinabangan kayo. Kaya maganda rin iyong ano man ang kinalabasan ng inyong naging pagsasama, magpakita pa rin ng utang na loob sa isa’t isa. Hindi mo mababayaran iyon eh. At iyan ang tamang attitude, hindi iyong basta nagkahiwalay kayo ay sisiraan na ninyo ang isa’t isa.
Riyan masasabi naming good example ang ipinakita ni Willie.
HATAWAN
ni Ed de Leon