KAHIT na ilang taon na ngang hindi makatanggap ng anumang projects dahil sa rami ng kanyang inaasikasong trabaho bilang congresswoman, at sa ngayon ay sinasabing mas mukhang lumabo pa dahil nagkasunod ang problema, ang pagputok ng Taal at ngayon ang Covid-19, hindi pa rin maikakaila na patuloy ang pagdating ng offers kay Congw. Vilma Santos. Hanggang ngayon may mga director na kumakausap sa kanya. May mga producer na patuloy na nagpapadala ng scripts, nagbabaka-sakaling maisingit man lang iyon ni Ate Vi.
Bakit ganoon? Hindi lamang kasi siya isang mahusay na aktres, ang lahat ng ginawa niyang proyekto ay kumita at iyon ang kailangan ng mga film producer para makabawi.
Kaya marami ang nagtatawa sa isang regulasyong gustong ipatupad na ang mga senior star kagaya ni Ate Vi ay limitahan na ang paglabas, dahil sila raw ay immuno deficient na. Parang sinasabi, ang mga senior star huwag nang kunin at pabigat na iyang mga iyan.
Hindi lang si Ate Vi, ano ang gagawin ninyo sa isang aktres na kagaya ni Nora Aunor? Ano ang gagawin ninyo, patitigilin ninyo sina Vic Sotto at Joey de Leon sa Eat Bulaga dahil senior na sila? Ang daming artistang senior. Ilang director ang senior citizens na rin? Ilang kinikilalang lider ng industriyang ito ang kabilang na rin sa senior citizens? Aalisan ninyo sila ng trabaho?
Iyan ay maliwanag na regulasyong hindi napag-isipan, at hindi napag-aralang mabuti.
Iba kasi ang industriya ng pelikula at telebisyon. Hindi iyan kagaya ng ibang trabaho na maaari mong sabihin na “retired ka na.” Sa industriyang ito, walang nakagisnang retirement at ang tradisyon dito, iyong mga senior iginagalang pa iyan. Binibigyan pa nga iyan ng lifetime achievement awards. Ano na ba ang edad ni FPJ at ni Mang Dolphy noong matigil? Ilan din ang edad ni Kuya Germs noong mawala? Ipaliwanag nga muna ninyong mabuti kung ano ang gusto ninyong mangyari.
HATAWAN
ni Ed de Leon