Sunday , December 22 2024
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman

‘Estámos jodídos’  

IKINATUWA ng marami ang ika-16 ng Mayo dahil ibinaba ng Inter-Agency Task Force Against Emerging Infectious Diseases (IATF) ang modified enhanced community quarantine o modified ECQ sa Metro Manila, Laguna, at Cebu City.

 

Nag-umpisa agad ang pila ng mga sasakyan.  Hindi ito nasaksihan sa nakalipas na dalawang buwan bunga ng enhanced community quarantine na bunga ng pandemikong COVID-19.

 

Noong ECQ, bawal ang lumabas ng bahay o bakuran maliban kung may quarantine pass na galing sa iyong barangay o pulisya. Kung wala ang pass, maaari kang arestohin at ikulong.

 

Noong nakaraang Sabado nasaksihan ang muling pagsikip ng mga lansangan dahil sa dami ng sasakyan. Nagisnan ang mga kababayan na tila mga asong nakawala sa hawla nang sabay-sabay  lumabas. Unang dinumog ng mga bagong laya ang mga mall, department store, barberya, at beauty parlor.

 

Nagsiksikan sila sa mga sangay ng Meralco at iba pang utility companies upang bayaran ang kanilang koryente, tubig, cable at internet.

 

Noong Lunes, nagsibalik sa kani-kanilang trabaho ang libo-libong mamamayan. Samakatuwid, nagsimula na ang pagbalik sa normal na pamumuhay ng mga Filipino.

 

Nabalewala ang pag-iingat tungkol sa “social distancing” na dapat sana ay may isa hanggang dalawang metro ang pagitan sa bawat tao. Tuluyang nabalewala ito sa labis na tuwa ng mga bagong laya na nagbunga ng  trapik at pila.

 

Nangangamba ang mga dalubhasa lalo ang mga “frontliners” na magkakaroon ng “second wave” o muling pag-akyat ng bilang ng mga mahahawa sa COVID-19.

 

Matagal naming pinag-usapan ng high school batchmate at ka-golf na si Clarence Aytona ang kahulugan ng salitang “asymptomatic.” Ipinaliwanag sa akin ni Clarence na marami pala ang hindi nakaiiintindi ng kahulugan ng asymptomatic.

 

Sa medisina, ito ang kondisyon ng isang tao na hindi nagpapakita ng sintomas ng pagkahawa sa isang sakit o impeksiyon. Lubos silang mapanganib dahil walang itong manipestasyon na may sakit siya, at maaaring makahawa. Dahil hindi batid ang karamdaman o walang ipinakikitang sintomas, patuloy sila na makahahawa sa ibang tao. Hindi nila mamamalayan na sila ay nahawaan na.

 

Mukhang nakalilito ano? Pero sa pakiwari ni Clarence, ang pagiging “asymptomatic” ang  pinaka-delikado.

 

Sabi niya: “Ikompara na lang ito sa isang panatiko na paniwala niya nasa tama siya kahit na taliwas sa lohika at siyensiya ang isip at gawa niya dahil tanga siya pero hindi niya alam na tanga siya.”

 

Kahit naka-Skype kami naibuga ko ang kape ko sa computer monitor ko at sabay kaming naghagikgikan.

 

***

BAGAMAN may mga opisina na at pinapayagan na pumasok ang ilang empleyado sa trabaho hindi pinayagan ang sasakyan pampubliko? Sentido komun ang nag-uudyok sa inyong abang-lingkod na itanong ito sa mga namumuno sa IATF.

 

Ani Ramon Lopez, kalihim ng DTI, responsibilidad ng mga may-ari ng kompanya at negosyo ang magbigay ng transportasyon sa kanilang mga empleyado.

 

Bagay na ginawa ng maraming kompanya kung saan ang mga commuter buses at ibang pampublikong sasakyan ay ngayon inuupahan nila upang sunduin at ihatid ang kanilang mga trabahante. Mainam po ito kumg malaki ang kompanya. Paano naman ang maliliit na negosyo?

 

Hindi ba obligasyon ng pamahalaan ang unahin ang pagsasaayos ng transportasyong pampubliko? Oo na’t pasalamat tayo puwede na bumalik sa trabaho, subalit hombre por Dios naman, hindi puwedeng isabahala na kay Batman ang mass transportation dahil obligasyon ito sa atin dahil tayo ang nagbabayad ng buwis.

 

Ngayon marami nang bansa ang bumabalik sa normal na pamumuhay maliban sa Filipinas. Nasa huling antas tayo sa laban kontra COVID-19 sa buong ASEAN.

 

Isang bagay na nakalulungkot isipin dahil napakagaling ng mga dalubhasa natin sa medisina. Sa ibang bansa bilib sila sa ating mga doktor, nars at medical technicians at masasabi kong sila ang mga lodi saan man sila madestino.

 

Pero imbes ang mamuno sa IATF ay dalubhasa sa siyensiya o medisina, ang iniluklok ay mga retiradong heneral na kakapa-kapa, samantala ang mga dalubhasa ay nagparang mga utusan lamang. Nagtataka pa ba ako kung bakit nahuhuli tayo sa ibang bansa?

 

Dumanas ng matinding pagkasalanta dahil sa bagyo ang Eastern Samar. Imbes damayan ang mga tao roon, sumakay ng jet si Rodrigo Duterte at umuwi ng Davao City.

 

Kaya magtataka pa ba tayo kung bakit nakararanas tayo ng sunod-sunod na problema?

Sa salita ng aking yumaong ama, sa wikang Kastila… “estámos jodídos.”

TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman

 

About Mackoy Villaroman

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *