NAGUGULAT kami dahil bakit si Angel Locsin ang nananawagan para sa extension ng franchise ng ABS-CBN, ganoong ang stand ng network ay “lumaban”. Mas lalong nakagugulat ang sinabi ni Angel na nakahanda rin naman siyang makinig sa mga taong may sama ng loob sa network. Inamin din niya na siguro nga nagkaroon din ng pagkakamali ang network at dapat iyong ituwid, at handa nga siyang makinig sa mga may reklamo. Pero bakit si Angel ang makikinig sa mga reklamo? Gaano ba kalaki ang sosyo niya sa ABS-CBN?
Totoo namang may sosyo siya sa network, dahil inaamin naman nilang bumili sila ng shares of stocks nang alukin ng network, pero gaano ba kalaki ang kanyang share para masabing kung sakali pakikinggan ng mga majority shareholders kung ano man ang kanyang sasabihin later on?
Hindi ba masyadong napakalaking responsibilidad iyang gustong yakapin ni Angel?
Ngayon may lumalabas pa ring panibagong problema. Kung magpapatuloy na sarado ang ABS-CBN, at hindi niyon kikitain ang karaniwang kitang mga P30-M sa araw-araw, baka maapektuhan ang pagbabayad niyon ng kanilang mga utang.
Ang pautang pala ng mga Aboitiz sa ABS-CBN sa pamamagitan ng Union Bank of the Philippines ay umaabot sa P11.4-B, samantalang ang BPI ng mga Ayala ay may pautang ding P10.1-B sa network. Posibleng maapektuhan pati ang status ng dalawang banko kung hindi makababayad ang ABS-CBN, kaya nga hinihimok naman nila ang gobyerno na payagan iyong makapag-operate.
Iyon namang franchise ay wala pa ring direksiyon sa mababang kapulungan ng Kongreso. Sa Senado naman pumirma ng isang resolusyon ang mga senador sa oposisyon na payagan ang ABS-CBN hanggang 2022. Ibig sabihin, hindi pa rin iyan franchise kundi extension ng kanilang napasong franchise. Ibig sabihin hostage pa rin ang ABS-CBN.
HATAWAN
ni Ed de Leon