NAGBABALA ang isang Mindanao-based political activist sa papel ng tatlong retiradong “Marawi generals” sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa pandemyang coronavirus (COVID-19).
Nakasaad ito sa artikulo ni Raymund de Silva, isang political activist na nakabase sa Mindanao sa loob ng tatlong dekada, na may titulong COVID-19: Its Impact on the Philippines para sa Europe Solidaire Sans Frontiers at inilathala sa europe-solidaire.org,
Nangangamba si De Silva na maaaring maranasan ng buong bansa ang dinaranas ng mga residente ng Marawi City dahil sa pagkabigo ng tatlong Marawi Generals na puksain ang ‘virus ng Marawi siege’ at ngayon ay sila pa rin ang naatasang pangunahan ang task force ng pamahalaan kontra COVID-19.
Tinukoy ni De Silva ang tatlong Marawi Generals na sina National Task Force chief implementer at Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez; Department of Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista; at Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.
Si Galvez ay nagsilbing Western Mindanao Commander, si Bautista ang ground commander at si Año ay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff nang maganap ang Marawi siege noong 2017.
“Definitely the three generals were not able to kill the ‘virus’ which started the Marawi siege, more than 17,000 Maranao IDPs are still in their temporary shelters. They are now suffering doubly because of the COVID-19,”sabi ni De Silva.
Dagdag niya, “We just pray that what we see in Marawi today will not be the future picture of our fight against CONVID-19 on the whole country.”
Paliwanag ni De Silva, dapat repasohin ang linya ng kaisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang administrasyon, ang dahilan na ibinigay niya para palawigin nang tatlong beses ang martial law sa Mindanao.
Ito aniya ay bunsod sa presensiya ng mga terorista na nagbabadya ng “clear and present danger” kaya pinalawig ni Pangulong Duterte ang batas militar sa buong Mindanao.
“It can help one to profoundly understand the PRRD’s outlook in the context of the Marawi Siege in 2017 because the key players in this kind of war are the same key players in the war against COVID-19,” paglilinaw ni De Silva.
Iginiit ni De Silva walang naparusahan sa talamak na ‘criminal neglect’ sa Marawi ng mga awtoridad dahil kahit batid nila na nagpapalakas ng puwersa ang Maute at Abu Sayyaf bago naganap ang Marawi siege ay wala silang ginawa para tuldukan ito kaya’t hanggang ngayon ay nagdurusa ang 400,000 residente ng siyudad na nasira ang kabuhayan at tahanan.
“There was a clear neglect of why the Marawi Siege did happen. The fundamentalists and the terrorists made the attack but it could have been avoided or at least minimized the destruction and loss of lives. Nobody is held accountable for this criminal neglect,” mariing pahayag ni De Silva.
Sa kabila aniya ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa pagbangon ng Marawi City, wala pa ring nangyayari at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakababalik sa kanilang mga tahanan ang mahigit 17,000 Maranao, tinawag niyang “internally displaced persons” o IDPs at nasa temporary shelter pa rin hanggang abutan ng pandemyang COVID-19. (ROSE NOVENARIO)