GALIT si Party List Congressman Lito Atienza at gustong-gusto na naming kumanta ng bulaklak, kay ganda ng bulaklak, habang sinasabi niyang ang nangyari sa ABS-CBN ay kasalanan ni Speaker Allan Peter Cayetano. Kasi inipit nang inipit ang 11 panukalang batas na nag-e-extend ng franchise ng ABS-CBN.
Maliwanag ang scenario. Sinabi ni Presidente Digong noon pa na haharangin niya ang franchise ng ABS-CBN. Iyon ang dahilan kung bakit inupuan iyon ng mga congressmen. Naghihintay pa sila ng go-signal mula sa Malacanang kung ipapasa na ba nila ang isa sa 11 bill na iyon. Iyong Senado walang problema eh, sinasabi nila ipasa lang sa lower house, lusot sa kanila ang batas.
Humingi na ng dispensa ang ABS-CBN sa naging atraso nila, at tinanggap naman iyon ni Presidente Digong, pero naghihintay pa rin ang ilang congressman ng go signal. Parang gustong maghugas ng kamay, kaya isinulong nila ang National Telecommunications Commission (NTC) na magbigay ng provisional permit hanggang June 2022. Ibig sabihin, maaaring talakayin nila iyon kung kailan matatapos na ang kanilang termino. Eh hindi nakinig ang NTC. Ano ngayon ang nangyari?
Umariba ulit si Speaker Cayetano. May sinasabi pa siyang, “pupunta ako sa ABS-CBN para ako ang mag-on ng kanilang transmitter.” Pero hindi ba si speaker din ang nagsabi na lahat ay mabibigyan ng ayuda sa social amelioration program ng gobyerno, eh hindi naman pala kundi pipiliin lang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
In good faith nga siguro, naniwala ang lahat sa isa’t isa, ngayon naipasara ang ABS-CBN, may 11,000 nawalan ng trabaho, na ewan naman namin kung matutulungan ng gobyerno sa pamamagitan ng social amelioration program nila. Dahil iyang mga iyan, walang mapupuntahan dahil may mga tauhan din ang ibang mga broadcasting networks. Maaari siguro nilang subukang maging sidewalk vendor kung wala nang quarantine, dahil kung ngayon sila magtitinda, huhulihin din sila dahil sa paglabas nila ng bahay. At saka ano naman ang hitsura niyong dati sila ang nagdadala ng ayuda roon sa Pantawid ng Pag-ibig program nila, pipila ba naman sila para sa tatlong kilong bigas na National Food Authority (NFA) at tatlong latang sardinas?
HATAWAN
ni Ed de Leon