BOTO si Pilita Corrales sa manliligaw ng kanyang apong si Janine Gutierrez na si Rayver Cruz.
Ang unang binanggit ni Pilita ay ang nagustuhan niyang talent ni Rayver, na sinasabi niyang mahusay kumanta at samayaw. Pero ang mas binigyan niya ng diin ay iyong katotohanang ang pamilya ni Rayver ay close sa isa’t isa, at nakikita niya na magkakasama silang magsimba kung araw ng Linggo. Si Pilita ay Katoliko rin naman at madalas sa National Shrine of our Lady of Mt.Carmel na malapit sa kanyang bahay sa New Manila.
Kilalang-kilala rin naman ni Pilita ang angkang pinagmulan ni Rayver, dahil ang mga Cruz ay itinuturing na haligi ng musika sa ating bansa, simula pa sa kalolo-lolohan ni Rayver.
Pero bilib kami kay Pilita, dahil sa sinabi niyang mukhang ang mahalaga pa rin sa kanya ay ang family values ng isang tao. Sinabi niyang sayang, hindi niya nakilala si Beth na nanay nina Rayver at Rodjun, pero alam niya na marespeto ang mga bata sa kanilang mga magulang.
Sa ngayon nga naman bihira na sa mga kabataan ang ganyan. Ang mga kabataan ngayon, ang feeling ay masyado silang independent at halos wala nang pakialam ang kanilang mga magulang sa kanila. Bihira na iyong mga bata na close talaga sa pamilya, maliban na lamang kung natutukan talaga ng kanilang mga magulang ang pagpapalaki sa kanila.
After all, sino nga ba ang mas makakapagturo ng tamang values sa mga bata kundi ang kanilang mga magulang mismo? Maaasahan mo bang makakapagturo nang ganyan ang kanilang mga yaya? Kaya talagang iba pa rin ang dating ng mga batang alam mong inalagaan ng sarili nilang magulang.
Iyang mga batang masyadong independent, iyan ang nagiging mga barumbado at problema ng magulang pagdating ng araw.
HATAWAN
ni Ed de Leon