BINANATAN naman nang husto ng mga netizens si Derek Ramsay dahil sa ginawa niyang pagkampi sa mga pulis sa kanyang statement na lumabas sa kanyang social media account. May kinalaman iyon sa isang foreigner na ngayon nga ay kinasuhan ng pulisya matapos ang isang pagtatalo sa Dasmarinas Village sa Makati.
Ang contention ng mga netizen na bumabanat kay Derek, iyon daw ay nangyari sa loob ng isang private property, dahil iyan ngang Dasmarinas Village ay privately owned at maging ang mga kalye riyan ay hindi naman donated sa City of Makati. Kaya sinasabi nga nila, nakatapak pa ang pulis sa karapatan ng residente.
Pero tama si Derek, legally kahit na sabihin mong private subdivision iyan, basta ikaw ay lumabas sa bahay mo at nasa kalye, public area pa rin iyan. Umiiral diyan ang batas. At iyang batas sa pagsusuot ng face mask sa mga public places, umiiral iyan kahit na saan. Kahit na sabihin mong private subdivision iyan, inilalagay mo kasi sa peligro ang ibang tao sa loob ng subdivision. Iyan ang karaniwang legal opinion ng mga abogado. Kaya may punto si Derek. (Tama talaga si Derek dahil ang mismong kapitan ng Dasma ang nagsabing, public place ang naturang lugar, ayon na rin sa ipinalabas nitong statement. Anang kapitan, “Makati has an ordinance requiring face masks in public places. This resident wa on the stree and sidewalk which belongs to DVA common area, therefore a public place. He was committing a crime in the presence of the office and could be arrested even if he retreated to his property.”—ED)
Pero alam naman ninyo ang mga netizen, masyadong matatalino.
Kaya nga minsan mas safe pa para sa mga artista na huwag na magbigay ng comment sa mga ganyang issues. Kasi napag-iinitan lang sila. Kung ano-ano lang ang sinasabi laban sa kanila. Para namang hindi worth it na makipag-away pa sila sa mga “matatalinong” nasa social media, na kung pag-aaralan mo mali naman ang opinion.
Mas mabuti na nga sa mga artista minsan na manahimik na lang, kahit na sabihin na may karapatan din naman silang magpahayag ng kanilang opinion, lalo na nga at sarili naman nilang social media account iyon na kung tutuusin, walang pakialam ang iba.
HATAWAN
ni Ed de Leon