ISA lang ang sikreto ani Mayor Richard Gomez sa pagpapanatiling walang kaso ng Covid-19 sa Ormoc dahil maaga silang nag-lockdown. Noong tumindi na ang banta ng Covid-19, nagdeklara agad siya ng lockdown sa buong lunsod, at hindi na nila pinayagang may pumasok pang ibang mga tao sa lunsod nila. Wala na rin silang pinayagang lumabas.
Lahat daw ng limang entry points sa lunsod ay pinabantayan na sa mga pulis at sundalo. Wala talagang makapapasok maliban kung “emergency”. Halimbawa ay may manganganak, o kaya may iba pang emergency na hindi kaya ng mga ospital sa mga kalapit na bayan. Kung respiratory ailments naman, aba eh kailangan ng clearance mula sa kanilang city health officer. Dahil diyan hanggang ngayon wala pa ring kaso ng Covid-19 sa lunsod.
Maganda ang ginawa ni Mayor Goma. Iyong mga mamamayan ng Ormoc, malaya pa rin sa loob ng kanilang lunsod dahil wala namang hawahan, at saka alam nila ang kailangang gawin, may social distancing pa rin kahit na wala pa ngang reported cases ng Covid-19.
Hindi kagaya ng nangyari rito sa NCR, o sa iba pang lugar na kung kailan marami na ang nahawahan ng Covid-19 at saka pa nagkaroon ng community quarantine. Ang problema, hindi naman masustentuhan ng gobyerno ang pangangailangan ng mga taong ayaw nilang palabasin ng bahay kaya marami pa rin ang makukulit.
Kung iyan nga kasi ay napaghandaan nang tama, hindi kailangang kulungin lahat sa bahay, at hindi kailangan ang malawakang pag-aayuda na hindi naman kayang ibigay ng gobyerno.
Kaya nagkakahirapan ngayon ay dahil nagkulang sa paghahanda. Sino ang may kasalanan?
HATAWAN
ni Ed de Leon