ANO nga ba ang masama kung ang nakahihiligang panoorin ng mga Pinoy ay mga love story na Korean na ang mga leading men ay masasabi mong hindi lang pogi kundi “magagandang lalaki.” Ano ba ang kaibahan talaga? Tingnan ninyo ang kaisipan ng mga Pinoy simula noong una.
Hindi ba’t kahit naman noong araw ang kumitang mga pelikula ay mga love story? At tingnan ninyo, ano ba ang hitsura nina Eddie Gutierrez, Jose Mari, Romeo Vasquez, Ricky Belmonte at iba pang mga leading men noon, hindi ba “magagandang lalaki”? Dumating ang panahon nina Alfie Anido, Gabby Concepcion, Lloyd Samartino, at ano ba ang hitsura nila, hindi ba “magagandang lalaki.” Dumating ang kasunod na batch, higit na sumikat si Aga Muhlach kaysa ibang kasabayan niya, at ano ang dahilan hindi ba dahil “magandang lalaki” siya. Ngayon, ano ba sina Daniel Padilla, Alden Richards, at iba pang sumikat hindi ba magagandang lalaki lahat, at kung minsan mas nakatatawag pa ng pansin ang hitsura nila kaysa kanilang leading lady?
Iyong ganoong klase talaga ang gusto ng Pinoy. Iyong ganoong klase rin naman ang sumikat kahit na sa abroad. Bakit ba si Elvis, si Leonardo di Caprio, at iba pa ay sumikat sa Hollywood bago pa man maipalabas ang pelikula nila? Hindi ba dahil magagandang lalaki?
Hindi naman namin sinasabing hindi sisikat kung hindi pogi. Mayroon ding hindi pogi na naging stars, halimbawa si Rene Requiestas. Ganoon din naman si Apeng Daldal, si Redford White, si Wengweng at iba pa na nagkaroon din ng chance pero huwag ninyong ipilit doon sa maling projects.
Ang hirap sa iba, wala nang ginawa kundi mainggit na lang. Click ang mga Koreano, bakit hindi pag-aralan ang formula at gumawa ng kalaban niyon na style Pinoy. Halimbawa kagaya ng mga pelikula ni Cathy Molina, hindi ba nakagawa na siya ng dalawang blockbuster na ang dahilan lamang ay love story din at mga poging leading men?
HATAWAN
ni Ed de Leon