NATATAWA kaming naiinis sa narinig naming sinabi niyong dayuhang Koreana na si Nancy McDonie na dumayo sa Pilipinas para gumawa ng isang serye kasama si James Reid. Alam naman nating ginawa niya iyon dahil malabo na ang career niya sa Korea. Bumagsak naman ang popularidad niyang Momoland matapos silang layasan ng dalawang mas sikat na members nila na sina Taeha at Yeonwoo. Iyong huli ngang concert nila na ang tagal nilang ipinromote, wala eh.
Samakatuwid, iyang Nancy McDonie na iyan, kaya tumakbo rito naghahanap iyan ng career. Minalas naman. Ipa-partner sana siya kay James sa isang serye, negative ang dating sa fans. Tapos noong medyo nahihilot na, nagkaroon naman ng lockdown dahil sa Covid-19.
Aba alam ba ninyo ang sinabi ng Koreanang iyan? Hindi pa natutuloy ang proyekto niya na kasama si James dahil sa “nonsense quarantine” na ipinatutupad sa Pilipinas. Hindi ba alam ng Koreana na iyan na may umiiral na pandemic sa buong mundo, maski sa bayan niya sa Korea? Kung nagkaroon man ng lock out at community quarantine sa Pilipinas ay dahil iniingatan lamang natin na magkahawahan tayo at lalong lumaki ang problema. Tapos sasabihin niyang dayuhang iyan na ang ating ginagawang sakripisyong ito ay isang “nonsense quarantine.” Ano kaya ang sasabihin niya kung siya ang mahawa sa Covid-19?
Ang lahat ng mga Filipino ay apektado sa nangyayaring quarantine na iyan pero ano nga ba ang magagawa natin kundi sumunod dahil para sa atin din namang lahat iyan, kabilang ang mga dayuhan dito kagaya niyang Nancy na iyan ng bumagsak nang Momoland.
Tapos eh dahil sa delay ng trabaho niya sasabihin niyang walang kuwenta ang ginagawa nating pag-iingat sa ating sarili? Aba naku, dahil sa sinabi niyang iyan, hindi namin panonoorin kung ano mang proyekto ang gagawin ng laos na Koreanang iyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon