MARAMI sa ating mga artista ang masasabi ngang hindi man nila katungkulan ay gumagawa ng sariling paraan para makatulong sa kanilang kapwa sa panahong ito ng ECQ. Natawag ang aming pansin ng ginawa ni Bea Alonzo. Maaaring dahil may kakayahan naman siyang bumili na lang, at gayahin niya ang ibang mga artista na bumili ng bigas, sardinas, o kung ano mang pagkain at ibigay sa mga frontliner. Pero hindi niya ginawa iyon. Ang ginawa niya, siya mismo ang nagluto ng pagkain at siya pa mismo ang naghatid niyon sa mga frontliner na gusto niyang tulungan.
Ano ba ang kaibahan ng luto ni Bea? At kung ikaw ang makatatanggap ng pagkain, at alam mong sadyang iniluto iyon ni Bea para sa iyo, aba napakalaking bagay niyon. Hindi natin maitatago na gaano man kasimple ang ibinigay sa iyo, kung ang nagbigay ay isang taong kinikilala mo, iba ang dating niyon. Iisipin mo bang ang isang Bea Alonzo maiisipan pang gawin iyon, eh karamihan ng mga kabataang babae ngayon puro kalandian ang iniisip. Kagaya nga noong kumakalat na video, sumama sa boyfriend, nag-video pa, tapos ngayon kumalat iiyak-iyak.
Iyong mga kagaya ni Bea, hahangaan mo talaga eh. Dahil ang ibinigay niya ay hindi lamang niya pinagkagastahan. Ibinigay niya ang bahagi ng kanyang sarili, dahil siya pa ang naghanda ng lahat ng ibinigay niya sa kanyang tinulungan.
Marami riyan mayayabang, sasabihin sige magbibigay ng P3-M, P5-M pa, pero ang ibinigay nila ay iyong sobra na sa kanila. Hindi nila kailangan iyon kaya naibigay nila. Mas makabuluhan iyong nagbigay ka man nang kaunti, pero ikaw naman ang siya mismong kumilos, nagpagod, at naghanda ang ibinigay mo, malaki ang kaibahan niyon.
HATAWAN
ni Ed de Leon