TAMA ang sinasabi ni Solenn Heussaff. Nagtatanong siya, bakit tila umaasa na lang ang Pilipinas sa mga donasyon ng pribadong sektor ganoong bilyon-bilyong piso ang sinasabing budget ng gobyerno para labanan ang Covid-19.
Kukuwentahan ka ng milyon ng local government, ang matatanggap mo lang naman ay dalawang latang sardinas at isang kilong bigas, na hindi na masusundan pa. Iyong mga sinasabing libo-libong testing kits na dumating, galing din sa donasyon. Pinakamarami ay mula sa bilyonaryong si Jack Ma, na ipinadaan kay Senador Manny Pacquiao. Si Pacquiao nagbigay din, pero mula sa sarili niyang bulsa.
Si Angel Locsin, nagpapatayo ng make shift hospitals at quarters para sa mga pasyente at mga front line worker na air conditioned pa. Maririnig mo rin na siya ang tinatawagan ng mga ospital na wala nang makuhang face masks at PPE. Tapos sasabihin ni Secretary Teddy Locsin na ang mga foreign donation kasing nakuha niya iniipit pa ng DOH.
Iyong ABS-CBN at ang GMA 7, pinasasalamatan ng mga tao dahil nagbibigay sila ng pagkain na makakain talaga, at tatagal kahit na isang linggo. Si Bela Padilla at sina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli, may sarili ring tulong. Bakit nagagawa iyan ng mga pribadong tao at hindi magawa ng gobyerno na siyang may pangunahing katungkulang kumilos laban sa Covid-19?
Wala yata silang magawa kundi humarap sa isang press conference araw-araw na naka-hook up sa lahat ng estasyon ng TV, kung hindi ba eh sino pa ang manonood sa kanila? Ang kailangan ngayon ay solusyon sa problema, hindi kung ano-anong kuwento. At tama ang sinabi ni Solenn, mukha ngang mas nauuna pa ang pribadong sektor kaysa may katungkulang gumawa niyon.
HATAWAN
ni Ed de Leon