KUMUSTA mga kababayan? Ika-12 araw ngayon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon. Nakalulungkot man ang mga kaliwa’t kanan na napapabalita hinggil sa COVID-19, magpasalamat pa rin tayo sa Panginoong Diyos at nananatili Siyang tapat sa sanlibutan.
Pasalamat tayo sa Panginoon, sa araw-araw na pagpapala. Ang paggising mo sa umaga – napakalaking pagpapala na nito.
Oo, kahit na umaatake ang nakamamatay na virus, nariyan pa rin ang Diyos sa tabi natin – pinoprotektahan ang lahat sa kapahamakan at hindi Niya tayo pinapabayaan sa mga pang-araw-araw na pangangailangan natin.
Pero nakapapanibago ba ang lahat ngayon? Ang lahat ay naka-quarantine sa kani-kanilang bahay. Sama-sama ang pamilya – nandiyan si tatay, nanay, kuya, ate at si bunso. Maliban lang siguro kung isa sa miyembro ng pamilya ay kabilang sa frontliners. Lets pray for them.
Ang pagkakataong ito – ang magsama-sama sa loob ng isang buwan sa ating tahanan ay bibihirang mangyari o masasabing ngayon lang nangyari ito. Isang buwan.
Kung susuriin, isang malaking pagpapala ito mula sa Kanya , lamang ang pagkakaiba ay nahaharap tayo sa malaking pagsubok – ang COVID-19.
Nariyan ang COVID-19 upang hindi masayang ang oras natin sa loob nang isang buwan habang magkakasama ang buong pamilya. Nariyan ang virus para ang pamilya ay sama-samang kilalanin ang Panginoong Diyos – ito ang pagkakataon na tayo ay manalangin, hindi lamang para matapos ang pandemic kung hindi pasalamatan Siya sa lahat ng mga pagpapala na ipinagkaloob Niya sa atin.
Sabi nga sa Ephesians 6:18 “Pray in the Spirit on all occasions with all kinds of prayers and request.”
Maliwanag ang mensahe, hindi lamang ngayong nasa pagsubok tayo manalangin kung hindi, ano? In all occasions.
Nakalulungkot man, nakalilimot na ang lahat kung sino ang Panginoong Diyos. Madalas nakaaalala lang tayo kapag tayo ay nasa peligro samantala ang pananalangin ay isang malaking privilege – pakikipag-usap ito sa Kanya.
Pero sa kabila pa rin ng malaking pagkukulang natin sa Kanya, araw-araw pa rin Niya tayong pinauulanan ng pagpapala. Ganoon Niya tayo kamahal.
Sa nangyayari ngayon, marami ang nababagabag – sino nga ba naman ang hindi matatakot. Araw-araw na tumataas ang bilang ng nahahawaan ng virus at ang namamatay.
Kaya huwag natin sayangin ang pagkakataon na makipag-usap sa Diyos sa loob ng isang buwan. Bawat pamilya ay manalangin, kung sa bawat galaw mo ay naghuhugas ka ng alcohol dahil sa takot, ito rin ang dapat natin gawin sa pananalangin.
Sama-sama natin ipanalangin na matapos na ang pandemic – bigyan ng sapat na kaalaman ang mga doktor/dalubhasa na makakita ng gamot at bakuna laban sa COVID-19. Ang sekreto rito – magtiwala at sumunod tayo sa Kanya. Be obedient — ganoon ba tayo o ngayon lang?
Nawa’y kapag ibinalik na ng Diyos sa normal ang lahat, sana manatiling sama-sama pa rin (ang bawat pamilya) sa pagpupuri at pagpapasalamat sa Kanya at hindi lang sa tuwing nahaharap tayo sa pagsubok.
Sa mga nababagabag ngayon, nais kong ibahagi ang Kanyang pangako sa Psalm 46:1- 2:
“ God is our refuge and strength, an ever present help in trouble…therefore we will not fear…”
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan