“MEA culpa. Mea culpa, mea maxima culpa.” Kung isasalin sa Tagalog, “dahil sa aking sala, sa aking sala, sa aking pinaka-malaking sala.” Tila ganyan ang sinasabi ni Angel Locsin nang may magpaalala sa kanya na minsan ay ikinampanya niya si Senador Koko Pimentel nang kumandidatong senador.
Inamin ni Angel na pinagsisisihan niya ang ginawa niyang iyon. Iyon ay matapos ang ginawa ng Senador na pumasok sa ospital para samahan ang kanyang asawang manganganak na raw, sa kabila ng katotohan na alam niyang nakadama na siya ng symptoms ng Covid-19, kaya nga siya nagpa-test. Maraming nagalit dahil mali nga namang katuwiran iyong hindi pa naman niya alam na positive nga siya dahil wala pa ang report ng RITM, pero nang itawag sa kanyang positive siya, umalis daw siya agad sa ospital.
Pero alam naman niya bago pa iyon na PUI na siya.
Nangatuwiran si Angel na kaya lang naman niya ikinampanya noon si Senador Koko ay dahil asawa pa iyon noon ng pinsan niya. Hiwalay na ang senador sa pinsan niya ngayon at iba na ang asawa. Sinabi rin niyang minsan lang siya nagkampanya para sa senador, at hindi na naulit iyon. At dahil sa nangyari ngayon, sinasabi niyang, “labis kong pinagsisisihan ang ginawa kong iyon.”
Alam naman ninyo iyang endorsements ng mga artista kung may eleksiyon. Hindi naman nila nalalaman talaga kung ano ang takbo ng isip ng ikinakampanya nilang kandidato. Hindi rin naman nila masasagot kaya hindi rin naman masisisi si Angel kung ikinampanya man siya noong araw.
Nakita naman natin, nagpatayo pa ng mga living quarter si Angel para sa mga frontliner na hindi na makauwi sa kanilang mga tahanan, at iyon ay sa sarili niyang pagsisikap, at ang gastos mula sa sarili niyang bulsa at sa mga kaibigan niya.
HATAWAN
ni Ed de Leon