DAHIL sa walang shooting, walang taping, walang out of town shows, mabilis na nakakikilos ang mga star para gumawa ng kanya-kanyang proyektong pantulong sa mga biktima niyang enhanced community quarantine. Marami kasi ang nawalan din ng trabaho at walang makain. Marami naman ang mga frontliner na napakaraming trabaho, hindi na halos makauwi, hindi na makakain nang maayos at wala pang mapagpahingahan na maayos din. Lalo na nga iyong mga medical worker, iyong pinapasukan nilang mga ospital puno na ng pasyente kaya saan pa sila matutulog.
Pero napansin namin, siguro nga dahil sa kanilang popularidad at dahil sa malinis na image at tiwala ng mga tao sa mga artista, ang bilis nilang lumikom ng tulong. Sa loob lamang ng ilang oras, nakakuha ng donasyong P4-M sina Sarah Geronimo at Matteo Gudicelli. Sa loob ng apat na araw, nakakuha ng mahigit na P3-M si Bela Padilla. Ang bilis na nakakuha ng mga bedding at tents ni Angel Locsin para sa mga frontliner na gusto niyang tulungan. Kung iisipin ninyo, iyang si Angel sunod-sunod na ang fund campaign. Nauna para sa mga biktima ng lindol, at bago pa iyan nakailang bagyo, disaster, at pagputok ng bulkan na siya.
At iyong tulong ni Angel ay mula sa personal niyang pera at mga tumutulong sa kanya, kaya sinasabi niya kung saan niya dinadala ang tulong. Hindi gaya ng mga politiko, tumutulong daw pero ang ginagamit naman ay pera rin ng bayan.
Bakit mabilis makakuha ng tulong ang mga artista? Una, nalalaman ng tao kung saan dinadala ang ibinibigay nila. Si Bela, diretso sa Caritas, sa Pasay at sa iba pang institusyon. Si Judy Ann Santos, sila pa mismo ang naghahatid ng niluto nilang pagkain sa mga frontliner at mga wala nang makain. Si Angel nakapagpatayo na ng mga living tent na kompleto sa beddings para sa mga frontliner sa Taguig, at hindi basta tulugan iyon, hahatiran din ng pagkain ang mga naroroon.
Iyong mga editor nga naming nasa SPEEd, iyong iba ay wala ring kinikita sa ngayon dahil tumigil pansamantala ang mga diyaryo nila eh, nakapaghahatid pa ng pagkain sa mga nangangailangan.
Kaya magtataka pa ba kayo kung bakit mas mabilis na makakuha ng suporta ang mga pribadong mamamayan kaysa mga politiko?
HATAWAN
ni Ed de Leon