MUKHANG tahimik lang si Bistek (Herbert Bautista). Natural dahil ayaw niyang masabing hindi na siya mayor ay namumulitika pa. Sa ngayon hinaharap niya ulit ang kanyang career bilang isang artista.
Pero marami kaming nakakausap na mga tao na nagsasabing nami-miss nila si Bistek, lalo na sa pagkakataong ito na may hinaharap na malaking problema ang lunsod. Naaalala kasi nila iyong ugali ni Bistek na basta may ganyang pangangailangan ay tulong agad. Alam kasi niya ang buhay ng mahihirap. Hindi naman masasabing si Bistek ay ipinanganak “with silver spoons in his mouth.” Kaya siguro mas nauunawaan niya ang mga mahihirap at ang mga nangangailangan.
Isa pa, sinasabi nga niya na iyon namang kanyang public service, ginawa niya para kahit na paano makapagbayad siya ng utang na loob sa publiko, na nagpasikat sa kanya kaya nadama ng kanilang pamilya kung ano man ang naabot nila sa ngayon.
Pero busy pa lang si Bistek ngayon sa ilang bagay na inaasikaso niya para sa kanyang career, alam namin hindi rin makatitiis iyan. Isang araw susulpot na lang iyan para maghandog ng kanyang tulong sa mga mamamayan. (Tama ka Kuya Ed, visible na siya sa ilang lugar sa QC tumutulong. Narito ang ibang litrato bilang patunay—ED)
HATAWAN
ni Ed de Leon