HALAGANG P1-M mga de lata, bigas at iba pang pangangailangan ang ibinigay ni Bela Padilla sa Caritas Manila, para ayudahan na ang pinakamalaking charitable institution ng simbahang Katolika sa kanilang ginagawang relief operations para sa mga mahihirap na nagugutom na dahil sa community quarantine dahil diyan sa Covid 19.
Nagbigay din si Bela sa city government ng Pasay, bukod pa roon sa personal niyang naihatid sa mga frontliner. Kung wala ang mga artistang kagaya ni Bela, na may mga fan at supporters na tutulong din, magagawa ba iyan? Maraming ginagawa ang mga taga-showbiz. Hindi sila iyong daldal nang daldal sa mga interview sa radyo pero maski singko walang binubunot sa bulsa. Mas may puso ang mga artista.
Tingnan ninyo iyong mga miyembro ng SPEEd, iyong mga entertainment editor na lehitimo. Wala kaming alam na mayroon sa kanilang milyonaryo. Mayroon milyonaryo ang magulang pero siya hindi. Pero dahil umiiral ang puso, nagluluto sila ng pagkain araw-araw, sariling gastos nila, at inihahatid pa sa mga ospital, sa mga checkpoint, at sa mga naghihikahos sa buhay. Gusto nilang makatulong, kahit na ang dapat nilang intindihin ay ang sarili nila, dahil karamihan sa mga diyaryo ngayon, on line na lang dahil wala namang bibili ng diyaryo sa kalye, walang tao.
Pero naroroon pa rin sa kanilang mga puso ang tumulong. Ang tingin nila sa kapwa nila tao ay hindi kapamilya lamang, kundi kapatid dun, at higit sa lahat kapuso.
Iyan ang mga tao, at makikita mo kung anong klase ang pagkatao nila. Kung sabihin nga walang kamote na walang ulalo, pero kalimutan na natin iyon dahil sa kabuuan, naroroon ang hangaring tumulong.
HATAWAN
ni Ed de Leon