SA WAKAS, makaraan ang tatlong araw nang isailam sa “enhanced community quarantine” ang buong Luzon, napatino na rin ng Philippine National Police (PNP) ang mga lagusan (para sa papasok at papalabas) sa buong Metro Manila.
Kahapon, malinis na ang karamihan sa mga itinayong checkpoint. Madali nang nakalalabas-pasok ang mga sasakyang exempted sa mga ipinagbabawal na makapasok sa National Capital Region (NCR) lalo ang mga trak na may dala-dalang food supplies.
Hindi na rin hirap makapasok sa checkpoints ang medical professionals natin – binigyan na sila ng priority lane. Ang nakatatawa lang, may napaulat na isang medical staff ang hinarang at hindi pinapasok sa checkpoint dahil isa raw siyang medical technology.
Hindi raw kasi pamilyar iyong mga pulis sa propesyon na “med tech.”
Hindi naman nakipagtalo ang med tech sa halip ay ipinaliwanag niya kung ano ang kanyang trabaho – kung ano ang role niya sa hospital.
Naku po, napakahalaga ng papel ng med tech sa isang pagamutan lalo sa sitwasyong kagaya ngayon. Ang mga med tech ang pangunahing katuwang ng mga pathologist para masuri ang dugo, mga bodily fluids at iba pang biological samples na isinasailalim sa clinical pathology laboratories para ma-diagnose nang tama ang sakit ng pasyente.
Tsk tsk tsk…poor police officers, hindi nila alam ang med tech. Pero hindi kalaunan, pinayagan din makapasok sa checkpoint ang med tech nang may tawagan daw ang mga sumita sa kanya. Marahil, sinabi noong nasa kabilang linya kung ano ang trabaho ng med tech. Ang alam lang kasi ng iilang pulis (lang naman) na puwedeng paraanin para makapasok sa Metro Manila para magtrabaho ay nurses at doctors.
At least, dahil sa checkpoints para sa seguridad ng lahat laban sa COVID-19, may natutuhan ang ilang pulis natin na isang tipo ng propesyon na may kinalaman sa trabaho sa ospital.
Mga sir, ang med tech ay iyong tagasuri ng dugo sinusuri nila kung infected o may bacteria ang dugo ng isang pasyente. Sa pamamagitan ng pagsusuri ng dugo, doon malalaman kung anong sakit mayroon ang pasyante – kung may dengue, AIDS, at iba pa. Ngayon alam n’yo na.
Ano pa man, saludo pa rin tayo sa mga pulis natin na 24-oras nagtatrabaho ngayon sa pagbabantay sa mga checkpoint. Mabuhay kayo mga sir.
Nitong Martes, Marso 17, 2020, tinawagan natin si P/Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, PNP Deputy Chief for Operations, siya rin ang hepe ng Task Force para sa pagpapatupad ng COVID checkpoints hindi lang sa Metro Manila kung hindi sa buong Luzon.
Napag-usapan namin ang tungkol sa problema sa checkpoints – noong Martes kasi, talagang hirap pa rin makapasok o magulo ang mga checkpoint. Nagbigay naman tayo ng suhestiyon kay Eleazar, tulad ng paglalagay ng priority lane para sa mga nasa medical and allied professions, cargo, gov’t employees na may kinalaman sa disaster ang trabaho, media at iba pa.
Nagpasalamat naman ang opisyal kasabay ng pagsasabing, iyan nga ang kanyang plano at ipatutupad.
“Actually Almar, iyan talaga ang gagawin na namin. Ipatutupad bukas (Miyerkoles). Sineseguro ko na bukas maayos na ang lahat. Totally locked down na talaga ‘yan!” pahayag ni Eleazar sa pag-uusap namin sa telepono.
Hayun, kahapon ay ipinatupad na nga. Karamihan ng lagusan (checkpoints) ay maayos na. Madali nang makapasok ang may mga “karapatan” sa Metro Manila. Wala na rin mahahabang pila dahil batid na rin ng mga ‘walang kinalaman’ sa loob ng NCR na hindi na sila maaaring pumasok.
Hanggang kailan kaya ang lockdown? Abril 12, 2020? Iyan ang utos ni Pangulong Duterte. Huwag naman sana. Ibig kong sabihin, sana mas maaga. Dahil ang ibig sabihin kung mas maaga ay nakaya nang kontrolin ng pamahalaan ang pagkalat ng COVID 19 pero panalangin ko naman sana mas maaga – dahil wala nang virus. Puwedeng mangyari ito – manalangin, mangumpisal, magsisi lang tayo sa ating mga pagkukulang sa Panginoong Diyos at magtiwala sa Kanya.
Lord God, please hear our prayers. Forgive us and have mercy on us.
We thank YOU for not forsaking nor leaving us in times of troubles. We believe that this crisis will end in Your perfect time. Lord You are Greater that this virus.
In Jesus Name. Amen.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan