AMINADO si Kelvin Miranda na itinuturing niyang biggest break bilang actor so far ay nang nagbida siya sa pelikulang The Fate at ang Dead Kids, na unang Netflix film mula sa Filipinas.
Sambit ng guwapitong actor, “Nakatataba ng puso na naging part ako ng Dead Kids na first na Filipino na international na napanood, kasi ay na-appreciate talaga ng mga tao itong movie namin.”
Dagdag ni Kelvin, “Masarap sa pakiramdam na hindi lang kapwa Pinoy ang nakapanood sa iyo, kundi pati buong mundo, bale. Kasi talagang relevant iyong movie at na-appreciate talaga siya, lalo ng mga kabataan ngayon.”
Sinabi rin niyang sobrang proud siya sa pagiging parte ng Dead Kids.
“So, bale pinatunayan ng Dead Kids na kaya rin palang gumawa ng mga ganyang pelikula ang Pinoy, na kaya rin natin makipagsabayan sa pang-international. Kaya sobrang proud po ako at thankful sa pelikulang iyan at hindi ko iyan makakalimutan sa habang huhay.”
Pinuri rin niya bilang isang cool na director si Mikhail Red na siyang namahala sa Dead Kids.
“Nagpapasalamat din ako kay Direk Mikhail Red sa opportunity na ibinigay niya sa aming lahat, napakabait niyang tao, cool, collaborative, at matalino,” esplika ng Kapuso actor.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio