NOONG pumirma si Arnell Ignacio ng management contract sa Viva Artists Agency, napag-usapan din ang kanyang role lalo na sa Department of Labor and Employment. Hindi pa naman kasi tuluyang binibitiwan ni Arnell ang kanyang trabaho sa gobyerno. Nasabi niya na maraming programa ang DOLE na pinaniniwalaan niyang makatutulong ng malaki sa industriya ng entertainment sa ating bansa.
Isa nga sa napag-usapan ay ang programang “emergency employment assistance” ng DOLE na tumutulong sa mga manggagawang biglang nawalan ng trabaho. Iyang sitwasyong iyan ay nababagay sa mga tao sa showbusiness na biglang nawalan ng trabaho ngayon dahil diyan sa emergency situation dahil sa Covid-19. Biglang sara ang mga sinehan. Tigil ang produksiyon sa telebisyon at pelikula. Paano ang mga manggagawa? Iyong mga artista siguro tinamaan din pero kaya nila iyan. Mayayaman na ang mga iyan, pero paano iyong maliliit na manggagawa?
Riyan nga siguro makatutulong si Arnel sa mga bagay na ganyan. Hindi naman kasi alam ng iba, maski na iyong dapat sana ay nagmamalasakit sa mga tauhan ng industriya ang mga programang ganyan ng gobyerno. Wala silang alam kundi mag-festival ng mga hindi naman kumikitang pelikula.
Ngayon dapat matulungan ang mga maliliit na manggagawa sa industriya. Walang kikitain ang mga iyan na mabuti kung isang buwan nga lang tumagal ang emergency situation na iyan. Maaaring i-extend pa iyan ng presidente kung sa tingin niya ay may problema pa rin matapos ang isang buwan.
Ang priority ng gobyerno ay mapigil iyang Covid-19, pero kasabay niyan tinatamaan naman ang ekonomiya at ang mga maliliit na manggagawa. Kung magkasakit iyang mga iyan, ewan kung may pambili man lang sila ng gamot. Binabasa namin iyong kahon eh, hindi nakasulat doon sa kahon ng Krystal Herbal Oil na magagamot din niya ang Covid-19 virus. Kung puwede nga lang eh ‘di walang problema.
HATAWAN
ni Ed de Leon