SUWERTE pa rin si Kim Chiu, nagkataong nagpapahinga siya sa loob ng kanyang customized van habang bumibiyahe papunta sa kanyang taping, dahil kung nakaupo siya at nagbabasa ng script kagaya ng kanyang nakagawian, tiyak na tinamaan siya ng isa sa dalawang balang lumusot sa kanyang sasakyan. Bale walong bala ang naiputok sa kanila ng mga unidentified gunmen.
May hinala na iyon ay isang “mistaken identity.” Maaaring ang sasakyan ni Kim ay kamukha ng sasakyan ng totoong target ng riding in tandem na iyon, dahil wala namang kaaway at wala namang atraso si Kim para pag-isipan ng ganoon.
“Hindi man lang ba nila alam kung ano ang plate number ng kotseng gusto nilang barilin, at basta nakakita na lang sila ng kakulay na sasakyan babarilin na lang nila,” ang sabi pa ni Kim pagkatapos.
Kabilang naman sa aksiyon ng PNP na bigyan pa rin ang aktres ng proteksiyon in the meantime na hindi pa maliwanag ang nangyaring tangkang pag-ambush sa kanya.
Sinasabi ni Kim na natakot siya nang makita ang isang balang tumagos sa salamin ng kanyang van, at doon mismo sa lugar kung saan siya madalas na nakaupo. Pero maliban doon ay wala na siyang takot at nakarating pa nga sa kanyang taping at nagtrabaho pa maghapon.
Ang katuwiran ni Kim, alam niya ang responsibilidad niya sa kanyang career at sa kanyang mga kasama sa trabaho, kaya kailangan niyang kalimutan kung ano mang takot ang kanyang nararamdaman.
Dalawang bagay nga ang maliwanag na lumabas diyan, iyong lakas ng loob ni Kim sa kabila ng peligro na kinasangkutan niya, at iyong kanyang responsibilidad bilang isang propesyonal na artista.
HATAWAN
ni Ed de Leon