NABABALOT ng malaking misteryo ang madugong kaso ng patayan nitong nakaraang linggo sa isang Chinese restaurant sa Makati.
Palaisipan daw sa mga awtoridad ang Chinese military ID ng bumaril at nakapatay kay Yin Jian Tao na noong Huwebes ng gabi ay binaril sa mismong VIP room ng Jiang Nan Hot Pot restaurant sa barangay Bel-Air.
Mukhang nagkakatotoo ang isa sa mga unang pangamba na karamihan sa pumapasok na Intsik, kung ‘di man lahat, ay nagpapanggap lamang na mga turista sa bansa pero sa katotohanan ay miyembro pala ng People’s Liberation Army (PLA) ng China.
Ang pangamba ng marami ay baka maulit ang pangyayari sa kasaysayan na bago pa sumiklab ang WWII ay sangkatutak na ang advance party ng Japanese military dito sa atin.
Marami na palang nakapasok na sundalo at opisyal ng Japanese Imperial Army sa bansa kaya’t madali nila tayong nasakop.
Ang aking ina ay lumaki at isinilang sa Tondo at kuwento niya, bago pa ang gera ay malimit siyang bumibili sa itinitindang halo-halo ng mag-asawang Hapones.
Nang sumiklab ang digmaan ay saka na lang nila nalaman na ang lalaki ay isang mataas na Japanese military official pala.
Hawak na ng awtoridad ang suspects na sina Yang Chao Wen and Liang Yuan Wu, nahaharap sa kasong murder, habang tinutugis ang iba nilang kasamahan.
Bakit nga naman may military ID ang dalawang suspect sa pagpatay kay Yin, isang overstaying Chinese at illegal na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gambling Operation (POGO)?
Ang nakapagtataka pa ay kung saan nila kinuha ang kanilang mga bitbit na baril na ginamit sa krimen?
Tatlong baril – isang 9mm at dalawang .45-caliber – ang nasamsam mula sa suspects.
Bago binaril ay kinuha ng suspects ang P300,000 mula sa biktima na ipapalit sana sa kanila ng perang Intsik na siyang pakay ng kanilang pagtatagpo.
May suspetsa na kasama sa nasabing halaga ang panghatag na suhol sa mga tiwaling tauhan ng Bureau of Immigration (BI).
Ang tanong, sila ba ay mga Chinese military na ang pakay sa pagdayo rito ay bilang hitmen?
‘Yan ang ating susubaybayan!
REP. BENNY ABANTE PINAATRAS NG SAUDI
NAKABALIK na marahil sa bansa si Manila (6th Dist.) at Minority Leader Rep. Benny Abante mula sa Middle East habang isinusulat natin ang pitak na ito.
May masamang karanasan pala ang mambabatas sa kanyang umano’y ‘opisyal’ na pagbiyahe nang hindi siya payagang makasakay ng eroplano patungong Saudi Arabia noong Huwebes.
Pero hindi natin alam kung ano na ang mga kasunod na nangyari mula sa matiyagang paghihintay hanggang noong Huwebes ng gabi dahil umaasa si Abante na baka dahil sa kanya ay kanselahin ng Saudi gov’t ang travel ban, sabi niya:
“Naghihintay pa rin ako ng advice sa ating consulate sa Jeddah na ma-lift ang ban today upang matuloy kami sa dahilang ‘di naman ako turista kundi official ng ating pamahalaan upang makipag-usap sa ating OFWs sa KSA.”
Ayon kay Abante, papasakay na sana siya ng eroplano sa United Arab Emirates (UAE) airport patungong Saudi upang makipag-dialogo sa grupo ng overseas Filipino workers na nag-aanyaya sa kanya upang pag-usapan ang panukala sa pagtatag ng Department of OFWs, aniya:
“Hindi kami pinayagang mag-board ng airline sa dahilang nakatanggap sila ng advisory sa Saudi government na pigilan ang tourists at visitors dahilan sa COVID-19.”
Kaya’t hindi po totoo na napagkamalang terorista ang pastor na mambabatas, kung ‘di nasabay lang talaga sa kanyang flight schedule ang pagdedeklara ng Saudi gov’t sa travel ban.
Ang nakapagtataka lang ay kung bakit Philippine Consulate sa UAE ang sinasabing umasikaso ng visa ni Abante kung opisyal naman pala ang kanyang pagtungo sa Saudi?
Sayang, mapagkakamalan pa namang Arabo si Cong. na sakaling natuloy ay baka hindi na rin sana siya pauwiin dito.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid