PASABOG agad sa aksiyon ang unang eksenang napanood noong Linggo ng gabi sa panimula ng 24/7 ng Dreamscape Entertainment at pinagbibidahan nina Julia Montes at Arjo Atayde.
Kaya pala nag-training si Julia ng martial arts ay mapapalaban siya sa matitinding labanan. Sumailalim din si Julia sa firing refresher course and arnis lessons dahil very physical ang demand ng kanyang role.
Bago ito’y marami na ang nag-abang sa bagong teleserye lalo na kay Julia Montes na ang karakter ay isang lady guard sa isang ospital na nagkaroon ng epidemya dala ng isang bagong uri ng dengue na hinahanapan pa ng lunas.
Dahil nga sa marami ang naghihintay kay Julia, agad itong pumalo sa takilya. Nanguna ito at most watched shows nationwide na nakapagtala ng 27% ratings noong Linggo (February 23).
Kasama rin sa 24/7 sina Edu Manzano, ang Pharmaceutical owner, Arjo isang doktor at anak ng may-ari ng ospital, JC Santos, isa sa mga raliyista.
Kasama rin sina Denise Laurel bilang isa sa doktora at may kinalaman sa itinagong gamot, Joem Bascon at Pat Suigi bilang mga pulis, Pepe Herrera bilang guwardiya ng ospital, Joross Gamboa na may koneksiyon kay Julia, Eric Fructuoso na personal bodyguard at marami pang iba.
Palaisipan naman ang karakter ni Meryll Soriano na iniligtas ni Julia nang maligaw sa ospital na roon nagkaroon ng kaengkuwentro si Julia nang tulungan ang aktres.
Samantala, makabuluhan at napapanahong kuwento ang tampok sa 24/7, na isang action-drama series ni Julia.
Bago maipalabas, agad nakakuha ng halos dalawang milyong views ang trailer nito.
Pinamagatang 24/7 ang serye dahil ito ay tungkol sa pagmamahal ng isang ina para sa kanyang anak – pagmamahal na hindi natutulog. Hangad din nitong magdala ng kamalayan tungkol sa mahahalagang isyu sa lipunan at tatalakayin ang responsibilidad na nararapat na gampanan ng lahat—mayaman man o mahirap—sa isa’t isa.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio