ISINUSULONG ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang “anti-discrimination ordinance” na ang layunin ay maprotektahan ang interes ng LGBTQIA+ community at masuportahan ang kanilang laban tungo sa pantay-pantay na karapatan.
Ang naturang pahayag, inianunsiyo ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ay makaraang makipagpulong sa pamahalaang lungsod ang mga representante ng mga grupong PANTAY, GANDA Filipinas, Pioneer FTM, PLM Propaganda, Benilde HIVE, TUP Dugong Bughaw, PUP Kasarianlan at Metro Manila Pride. Ayon kay Domagoso, ang nasabing isinusulong na ordinansa ay magiging malaking sorpresa sana ng lungsod para sa LGBTQIA+ community na dapat ianunsiyo mismo sa gaganaping Manila Summer Pride sa darating na 19 Abril, na gagawin sa Quirino Grandstand ngunit napaaga umano itong naibahagi sa kanila. (VV)