PARANG kailan lang nang nag-uumpisa pa lang ang SMAC TV Productions pero ngayon, anim na taon na pala sila. Kasabay ng paglaki nila ang pagdami rin ng kanilang mga alaga na may kanya-kanyang shows sa iba’t ibang TV network at platforms.
Ang dating talents nila ay sina Justin Lee, Mateo San Juan, Isaiah Tiglao, Rish Ramos, Miko Juarez (Pinoy Boyband top 12 finalist), Aiana Juarez (Youtube sensation), Gabriel Umali (Pinoy Boyband top 25) at Rojean Delos Reyes (Social media influencer). Pero sina Justin, Mateo, Isaiah, at Rish na lang ang natira sa originals.
Nadagdag sa alaga nila sina Awra Briguera, Hashtag Jimboy Martin, Patrick Quiros, at Karen Reyes. Kasama sila nina Justin, Mateo, Isaiah, at Rish sa noontime variety show na Yes, Yes Yow! na umeere sa IBC 13 tuwing Sabado – 11:30 – 1:00 p.m. na magsisimula sa Abril 4, 2020 (12 episodes) mula sa direksiyon ni Jay Garcia.
Katapat ng Yes, Yes, Yow! ang It’s Showtime ni Vice Ganda kaya natanong si Awra ukol dito.
Aniya, “Hindi ko pa po nababanggit sa kanya and then naging busy din po ako sa promo ng movie na showing na po ngayon., ‘yung James Pat and Dave at sobrang busy nga rin po kasi regular student na po ako, nasa grade 10 na po ako, magse-senior na po ako. ‘Yun nga po, hindi ko pa nasasabi kay Meme (tawag kay Vice), pero ‘pag nagkita po kami, sasabihin ko po.
“At sa pagtatapat ng aming show, for sure po matutuwa si Meme at magiging proud siya sa akin at kahit na magkaibang channel ‘yan basta alam niya po na may project ako at nagagawa ko ng maayos.”
Tinanong si Awra kung sa tingin ba niya ay kakabugin niya si Vice sa hosting, sagot nito, “wala naman pong pagalingan o patalbugan, basta po ang parehas naming layunin ay magpasaya po ng tao.”
Sa GMA News TV (channel 11) mapapanood naman ang 30-minute documentary show na We Survived na tatalakay sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas na hindi masyadong napupuntahan, food at culture/tradition na iho-host nina Justin at Mateo na sisimulan din sa Abril 4, 2020 (12 episodes) na ididirehe ni Chrysler Malinay at produced ni John Marko Gutierez.
Talk show naman ang tema ng host na si Rayantha Leigh sa My Life, My Music na tatalakayin ang tungkol sa Original Pilipino Music (OPM) at kung paano nakikipagsabayan sa foreign sounds. Sa GMA News TV (channel 11) naman ito eere simula Abril 4, 2020 tuwing Sabado – 4:30PM – 5PM (12 episodes) mula sa direksiyon ni Chrysler Malinaw at isinulat ni Enrico Jamora at si John Marko Gutierez ang producer.
Isang negosyo show naman ang Consumer’s Desk na ang host ay sina Dean Rodel Taton at Ms Vannesa Oyos. Una itong napanood noong LInggo 6:00-7:00 p.m., sa BEAM TV (channel 32) 12 episodes.
May sariling teleserye naman si Rish, ang Rish Drama Special na mapapanood sa Abril 5, 2020 (Linggo), 4:30 – 5:00 p.m. (12 episodes). Sina Chrysler Malinay at John Marko Gutierez ang direktor at producer.
Isa pang teleserye ang eere sa BEAM TV (channel 32) simula Abril 5, 2020 (Linggo), 5 – 5:30 p.m. (12 episodes) na pagbibidahan nina Ella Apon at Rayantha Leigh, ang Kaagaw sa Pangarap.
Nariyan din ang Nathaniel’s Bestfriend na pagbibidahan ni Leandro Comia at ang kaibigan niyang aso. Mapapanood ito simula Abril 5, 2020 (Linggo), 5:30 – 6:00 p.m. sa BEAM TV (channel 32). At ang digital series I Love You 10,000 Hrs na mapapanood sa iWant na pagbibidahan nina Mateo at Heaven Peralejo mula sa direksiyon ni Chrysler Malinay at isinulat ni Enrico Jamora. Wala pang binanggit kung kailan ang airing ng digi-series na ito, iisa lang ang tiyak, kinikilig ang binata sa kanyang leading lady kaya tinutukso siya ng lahat.
Ang iba pang kasama sa launching ay sina Kikay at Mikay, Ella, Kin, John, Klinton, Hero, Jesse, Steven, at JB.