SA Pebrero 24, 2020, balik-telebisyong muli ang Superstar na si Nora Aunor sa pamamagitan ng Bilangin Ang Bituin sa Langit na ihahatid sa GMA Afternoon Prime.
Siguradong tandang-tanda ng Noranians ang nasabing titulo dahil pelikula ito noon ng kanilang idolo.
Pero sa pagkakataong ito, si Mylene Dizon ang gagawa ng karakter na Magnolia “Nolie” dela Cruz, ang Kapuso Breakout Star na si Kyline Alcantara si Maggie dela Cruz, at ang Superstar bilang si Mercedes “Cedes” dela Cruz.
Ibang mga eksena naman ang matutunghayan sa pang-hapong serye, ayon na rin sa direktor nitong si Laurice Guillen.
Dream come true ang makasasalo sa mga eksena ang Superstar para kina Mylene at Kyline.
At natutuwa naman si Aunor sa mga eksenang gagawin nila.
Hindi siyempre mawawala sa isang istorya ang kontrabida. At ito ang iniatang sa aktres na si Isabel Rivas.
“Although alam ko na these days na these are the kinds of roles na naiisip na for me, noong makatanggap ako ng call for this project at Nora Aunor pa lang ang narinig ko, aarte pa ba ako? Lahat would want to work and share a scene with her. Gaano pa man kalaki o kaliit ang gagawin. But here, mukhang mahaba-haba ang tapatan namin ni Ate Guy. Though noong una, grabe! Nawala ako niyong mata sa mata na ang usapan. She really is larger than life. Iba ang pakiramdam!”
Isa pang magko-kontrabida naman as Margaux sa istorya ay ang anak ni direk Laurice na si Ina Feleo. Siya ang gaganap na asawa ni Anselmo na gagampanan naman ni Zoren Legaspi na may kaugnayan din kay Mylene o Magnolia.
Si Candy Pangilinan bilang si Connie ang kadikit ni Cedes bilang bestfriend nito.
Ito ang love stories within love stories. Tatlong henerasyon ng pamilya na may kanya-kanyang hugot sa pag-ibig ang magtutunggalian sa ikot ng kanilang mga buhay.
Hindi lahat ng daraanan at susuungin nila ay pawang mala-rosas. Papasok din ang paghihiganti, pagbabawal, pagnanakaw. Sa kung paano at ano ay ang ibabahagi nina Aloy Adlawan, Suzette Doctolero, Kit Langit, Geng Delgado, Ken de Leon, Jmee Katanyag, Bylle Tabora, Milo Paz, at Jake Somera sa sari-saring pintuan at bintanang magbubukasan sa istorya ng Pamilya dela Cruz.
May seal of approval nina Lilybeth Rasonable, Redjie Magno, Cheryl Sing-Sy, Antonio Pastorpode, at James Manabat ang pinagpagurang hanaping lokasyon sa ubasan sa La Union, hanggang sa matutulaing karagatan at masarap tingnan sa matang mga ihahatid ng production team ni direk Laurice sa kanyang mga eksena.
Oo, si direk Laurice, ayaw na ayaw pala na hindi alam ng kanyang artista ang gagawin nila for the whole shoot in their taping!
Ssshhh…Bawal ang bobo, ha? Or malalagot! At baka tuluyang magbilang ng bituin sa pangarap na lang!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo