MUKHA namang walang saysay talaga ang sinasabi ni Regine Velasquez na walang utang sa tax ang ABS-CBN, dahil wala namang nagsasabi na ang network ay may utang sa tax. Ang nagsasabi lang niyan ay iyong mga social media blogger. Hindi iyan kasama sa kuwestiyon ng Solicitor General.
Palagay namin, hindi rin naman dapat magkaroon ng giyera ang gobyerno at mga taga-supporta ng ABS-CBN. Mayroon lamang dalawang solid grounds ang quo warranto petition ng OSG. Iyon ay ang pagbebenta raw ng Philippine Depository Receipts o PDR sa mga kompanya at mga kapitalistang dayuhan na paglabag umano sa Konstitusyon. Madali ang solusyon diyan. Nagkaroon ng pagkakamali, maaari namang i-buy back ng ABS-CBN ang mga naibenta nilang PDR sa mga dayuhan.
Nakagawa rin daw ng mali, nang magbigay ng serbisyong pay per view na wala naman sa pahintulot na nakuha nila mula sa gobyerno. Eh nagkamali eh, ‘di pagmultahin. Kuwentahin ninyo kung magkano ang kinita nila sa pay per view at magtakda kayo ng multa.
Maging ang ABS-CBN naman ay nagsabing, “we are not a perfect organization.” At dahil doon nakahanda naman silang ituwid kung ano man ang pagkakamali. Ganoon naman pala eh, bakit ipasasara ang network? Mapag-uusapan iyan ng maayos.
Kung natatandaan ninyo, may panahong sinabi ni Presidente Digong, “tumulong kayo sa pagsusulong ng pederalismo, at pag-usapan natin iyan.” Ibig sabihin, ano man ang atraso nila sa presidente nakahanda naman iyong kalimutan ang lahat basta makipagtulungan lang sila sa gobyerno.
Iyong nakikita namin, nariyan ang lahat ng reconciliatory factors. Ibig sabihin mag-usap lang ng maayos kung paano magkakatulungan, wala na ang problema. Kasabihan nga nating mga Filipino, “kung may magagawa nang paupo, huwag na kayong tumayo.”
HATAWAN
ni Ed de Leon