PITONG taon bago muling gumawa ng pelikula si dating Senador Jinggoy Estrada kaya aminado siyang nanibago sa muling pagharap sa kamera.
Anang Senador nang bisitahin namin siya sa last shooting day ng Coming Home sa Cities Events Place, ”Nanibago talaga kasi ako dahil pitong taon akong hindi gumawa ng pelikula.”
Sinabi ng senador na mas ma-drama ang Coming Home kompara sa Katas ng Saudi na pinagsamahan nila ni Lorna Tolentino at nanalo siya ng Best Actor award sa FAMAS. ”Halos lahat ng scene rito sa ‘Coming Home,’ 80 percent yata puro iyakan. Madrama,” aniya.
Nang matanong ito kung paano niya namo-motivate ang sarili sa mga eksenang madrama, natatawang sinabi ng senador na, ”noong nakulong ako, ha ha ha.”
Nakilala si Sen. Jinggoy sa paggawa ng action movie pero isang drama movie ang ginawa niya sa pagbabalik-pelikula dahil aniya, feeling niya’y wala nang maniniwala kung action ang gagawin niya. ”Siyempre nagkaka-edad na tayo, pero kaya pa (mag-action).”
Sinabi pa ni Jinggoy na hindi niya puwedeng talikuran ang showbiz dahil, ”alam ko kasi rito kami nagmula, rito rin nagmula ang tatay ko. Sinundan ko, rito rin ako nagsimula bago ako pumasok sa politika kaya hindi natin puwedeng talikuran ang industriya lalong-lalo na ang maliliit na manggagawa.”
Sa kabilang banda, pinuri niya ang kanilang direktor na si Adolfo Alix Jr.. Aniya, ”kung ire-rate ko siya at 10 ang highest, ibibigay ko sa kanya, 9.”
Ibinalita pa ni Jinggoy na posibleng masundan pa ang paggawa nila ni Alix ng pelikula at ito’y para sa Cinemalaya. ”Mayroon nang ipinakita sa aking script si Adolf for Cinemalaya, kaya posibleng gawin din namin iyon.”
Kasama ni Sen. Jinggoy sa Coming Home sina Sylvia Sanchez na gaganap na asawa niya at Ariella Arida bilang kerida, gayundin sina Edgar Allan Guzman, Jake Ejercito, Shaira Diaz, Julian Estrada, Vin Abrenica, Martin Del Rosario, at Janna Agoncillo, na gaganap bilang mga anak nila.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio