GINUNITA ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang katapangan at pagmamahal sa bayan ng mga Filipino noong panahon ng digmaan upang makamit ang pag-asa at demokrasya.
Sa ika-75 anibersaryo ng Battle for Manila, pinangunahan ni Mayor Francisco “Isko” Domagoso, ang program at sinabi ng alkalde na isantabi na ang hindi pagkakaunawaan.
Aniya, 75 taon na ang nakalilipas at marami na ang nagbago.
“Ang digmaan na nagdulot ng mga paghihirap, gutom at sugat na naghilom ngunit ang aral na hindi malilimutan ang pagmamahal sa bayan ano man ang sitwasyon,” pahayag ng alkalde.
Ngayon, aniya, isantabi ang hindi pagkakaunawaan sa politika at importanteng ipakita ang pasasalamat sa ating mga tradisyon at kultura dahil tayong mga Filipino, ay mahilig tumanaw ng utang na loob.
Nagpasalamat din ang alkalde sa lahat ng mga beterano na nakaranas ng paghihirap sa digmaan dahil sa kanilang pagmamahal sa bansa, pagsasakripisyo ng kanilang buhay at pagtatanggol sa bayan.
Inalala rin ni Mayor Isko si dating Mayor Ramon Bagatsing na isa sa survivor ng death march sa Bataan.
Sa nasabing pagdiriwang, pinasalamatan ng alkalde ang lahat ng diplomatic corps na nagsidalo kabilang si USA Ambassador H.E. Dung Yong Kim, United Mexican States Ambassador H.E. Getardo Lozano Arredondo, Peoples Republic of China Ambassador H.E. Huang Xilian, Australian Ambassador H.E. Steven J. Robinson, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland Ambassdor H.E. Daniel Robert Pruce.
Dumalo rin si Col. Leodigario V. Macalintal PAF, AFP Air Force Provost Marshall-Military Host, mga kawani ng pamahalaang lungsod, Veterans Federation of the Philippines and Hunters ROTC Guerrilla Association, Philippine Veterans Affairs Office at ilang ahensiya ng gobyerno.