SA WAKAS ay ipinag-utos na rin ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang temporary ban sa lahat ng mga dayuhan, hindi lang sa Chinese nationals, kundi sa lahat ng dayuhan na bumiyahe sa China, Macau, at Hong Kong tapos ay papasok sa ating bansa.
‘Yan ay bilang pag-iingat sa tila pandemic na novel coronavirus (n-CoV) na sinabing nagsimula sa Wuhan City, ang kabiserang lungsod ng Hubei province ng China.
Mukhang kinabog na rin si Pangulong Digong kaya iniutos na rin niya ang temporary ban sa lahat ng dayuhan na manggagaling sa mga bansang may malalang n-CoV.
Pero sa totoo lang, ang Hong Kong ay matagal nang nagsara ng kanilang airport sa kanilang mainland, kasi nais nilang pangalagaan ang kanilang mga mamamayan.
Dito sa atin, kinailangang magpulong ang Pangulo, ang kanyang gabinete, at ilang medical experts para pag-usapan ang mga kinakailangang gawin o preventive measures upang maiwasan ang pagkahawa ng ating mga mamamayan.
“Rest assured that the Duterte administration takes this threat seriously. I am appealing to the public to cooperate with authorities in order to ensure the safety of everyone,” ‘yan naman ang sabi Senador Christopher “Bong” Go.
Tuluyan na rin nagkansela ng biyahe ang karamihan sa mga airlines na magmumula sa China. Nauna na rito ang flights ng PAL, Air Asia, Cebu Pacific maging ang maliliit na biyahe mula China sa lugar ng Kalibo, Aklan na ang final destination ay sa isla ng Boracay.
Inaasahan din ang ilan pang kanselasyon ng biyahe sa ilan pang lugar ng turismo sa bansa gaya ng Bohol, Palawan, at Cebu City.
Good job, Mr. President!
Sa hanay ng mga kababayan natin lalo ‘yung mga mahilig mag-social media, aba ‘e puwede bang huwag kayong manakot at tigilan ang diskrimimasyon?!
Sana’y maging responasable ang bawat isa sa pagpo-post para hindi nakadaragdag sa pagpa-panic ng ating mga kababayan.
Nakita na ninyong napakakupad mag-update ng Department of Health (DOH) ‘e pinangangamba pa ang ating mga kababayan.
Magkaisa tayo sa laban sa n-CoV!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap