SA presscon ng Love Of My Life ay pinagkuwento namin si Carla Abellana tungkol sa pagkakasakit niya.
“I did po, opo, mga mid to late 2019 po medyo nagkaroon po ako ng health scares, health issues, katulad ng asthma and then ‘yung Tachycardia ko po, Tachycardia is irregular heart beating po, mabilis po…rapid po ‘yung heart rate.”
Ano ang sanhi ng Tachycardia?
“Depende po eh, but I’ve had Tachycardia for ten years already, and then po ‘yung aking Hypothyroidism, and then nagkaroon po ako ng liver damage dahil po sa gamot for Hypothyroidism.”
Yun ang side effect?
“Hindi po, kumbaga allergic po pala ako sa gamot, so I had an adverse effect. Ang mahirap lang po kasi is nagsabay-sabay po sila, and then mahirap po kasi I would spend three days a week at the hospital for check-ups, follow-ups and tests, and siyempre magastos po.
“Ang laki po talaga ng ginastos, all the tests, the check-ups and the treatments, medication. So mahirap po kasi nagsabay-sabay, tapos kada punta ko po sa doctor may mahahanap na naman po or may complication or may ganito, hindi maganda ‘yung mga test result, mga ganoon po. So mahirap kasi siyempre we were in the middle of taping for the show, gigising ka ng maaga puyat ka from taping para lang umabot sa appointment niyong doctor, kasi siyempre ‘yung clinic hours po ng doctor ay limited, kailangan sila ‘yung susundan na schedule.
“Tapos ‘yun nga po ang laki ng gastos. Kaya sabi ko, ‘Shucks magpa-Pasko pa naman’, naubos ang pera.”
Kagulat-gulat na kahit healthy ang lifestyle ni Carla ay may mga sakit siya.
“Yes, ‘yun po ang problema, kasi nagtaka po ako, una kasi every time I tape for a new soap po I always go on a specific diet which is 1200 calories po per day, and then I would always workout consistently po, hindi po dumadaan ang isang linggo na hindi ako nakakapag-workout ng at least 4 days a week.
“So nagugulat po ako na…I mean I take supplements, wala naman po akong bisyo, I don’t smoke, I don’t drink, I don’t indulge in fatty food or unhealthy food or mga…so iyon po ‘yung nakapagtataka, kaya kinu-question po ang genetics but then again, sa family namin wala naman po kaming history ng thyroid problems, asthma, wala naman po kaming mga…
“Ako lang po, kaya hindi ko po alam kung bakit nagsabay-sabay po sila.”
Ano ang nararamdaman niya sa mga hindi magagandang nangyayari sa kanya? Mayroon ba siyang tanong na, ‘Lord bakit po ako?’
“Actually, yes at one point naitanong ko na rin po ‘yun na bakit po nagsasabay-sabay? Tapos ‘yung mga sakit pa ay mga walang gamot, ‘yung tipong it’s forever, there’s no stop, maintenance lang.
“So sabi ko but then okay sige if this is how it should be, okay lang, I will do everything that I can to have myself treated or to go back to good health, ‘yung ganoon.
“So sabi ko na lang kay Lord is, ‘Lord ginagawa ko na po ang lahat ng best ko para gumaling po ako, the rest Kayo na po bahala’. Mahirap po siya.”
Pero kung titingnan ang hitsura ni Carla ay tila napaka-healthy niya.
“Thank you po.”
Kahit sa recent na biyahe ni Carla ay apektado siya ng mga sakit niya.
“Opo, opo. Actually, before Japan po na-confine po ako ng isang araw, after taping po, and then ‘yun nga po two days after nag-Japan po kami… sa Japan po nakatatlong ospital din po kami, kasi ‘yung sa unang ospital po wala pong marunong mag-English, ‘yung sa pangalawa wala pa rin pong marunong mag-English, ‘yung sa pangatlo finally mayroon na pong English-speaking doctors and nurse po, so roon na po ako nagamot sa third hospital po sa Japan.”
Ang Tachycardia niya ay 10 years na?
“Opo. ‘Yung hypothyroidism was eto lang pong last year na-diagnose.”
‘Yung sa liver niya?
“Dahil po sa hypothyroidism, noong November po ‘yun. ‘Yung asthma po apparently was a misdiagnosis.”
So wala siyang asthma?
“Wala po.”
At least nabawasan ng isa ang mga sakit niya.
“Korek, nabawasan po ng isa. Although, nakapanghihinayang po kasi ang laki po ng ginastos ko at saka na-ospital po ako dahil po sa misdiagnosis ng asthma. Imagine nag-steroids po ako because of asthma which contributed to the weight gain even more, so sayang po na ang dami ko pong pinagdaanan dahil po sa misdiagnosis.”
Paano iyon, magsasampa ba siya ng reklamo sa nagkamaling doktor?
“We are going to inform the doctor po, but no naman po, no plans of suing naman po, ang importante lang is malaman po niya na na-misdiagnose po niya ako, para lang po aware siya, kasi baka…I’m sure hindi ako ‘yung first na na-misdiagnose niya, para aware lang din po siya, to inform lang him po, but no…they won’t take it to court naman.”
At least pasok ng 2020 may new show.
“Korek, maganda, bagong show. Ang tagal kong…medyo naging sabik po akong bumalik sa trabaho po last year, sabi ko talaga, ‘Lord mag-work na tayo’.”
At kakaiba ang Love Of My Life.
“Opo, balik drama na po, kasi actually I’ve been doing rom-coms for the past 3-4 years, so medyo natakot po ako noong umpisa kasi balik drama na po, and then first time to work with direk Don Michael Perez.
Rated R
ni Rommel Gonzales