Maraming homeowners sa Multinational Village ang nasindak sa isang death incident na mabilis na naitago sa publiko ng isang opisyal ng homeowners association.
Kung noong nakaraaan ay tinalakay natin ang reklamo ng homeowners na talamak ang konstruksiyon ng mga illegal structure sa loob ng village, ngayon naman ang nakasisindak na pagkahulog sa ginagawang illegal structure ng isang laborer.
Naganap umano ang death incident sa isang ginagawang illegal structure malapit sa tennis court nitong Lunes. Wala umanong permit ang konstruksiyon pero tuloy lang ang pagpapagawa.
Ayon sa mga nakasaksi, nahulog sa beam ang construction worker, basag ang bungo kaya patay agad.
Pero mukhang hindi na makakamit ang hustisya sa pagkamatay ng nasabing laborer dahil hindi na itinawag sa pulis at hindi na ipina-blotter ang pangyayari.
Isang saksi, ang nakausap mismo ang asawa at ina ng kaawa-awang biktima. Huwag na raw umano silang magreklamo kasi wala naman silang magagawa. Katunayan pagdating doon ng asawa at ina ay malinis na ang “scene of the crime.” At ang entrance ay tinakpan na ng yero.
Naku ayaw ng SOCO nang ganyan!
Wala na umanong magawa ang asawa at ina dahil inareglo na sa halagang P300,000.
OMG!
Isang 27-anyos bread winner ang namatay. May dalawang anak na kailangan pa ng aruga ng isang ama. May asawa at inang umaasa pero inareglo lang ng P300,000?!
Paano na ang mga naulila?!
Paano makukuha ng pamilya ng construction worker ang kanilang SSS, PhilHealth at Pag-IBIG benefits kung wala silang death certificate ng kanilang padre de familia?!
Paano sila makakukuha ng death certificate kung hindi nga naimbestigahan ng police ang death incident?!
Sino ang gagawa ng death certificate? Ang homeowners official na umareglo sa ina at asawa?!
Kakulangan na sa safety measures ang ikinamatay nong construction worker tinanggalan pa ng karapatang makamit ng mga naulila ang benepisyo dahil hindi pinaimbestigahan ang crime scene?!
Paging Parañaque City police chief, P/Col. Robin Sarmiento, puwede bang makalusot sa inyo ang ganitong insidente?!
Paging Parañaque City Building Permit chief, Engr. Armando Arsenio, wala ba kayong planong magrekorida sa mga illegal structure na inire-reklamo ng mga homeowners sa Multinational Village?!
Kailangan na po ng agarang aksiyon, mga Sir!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap