IGINIIT ng Viva boss na si Vic del Rosario na hindi siya naniniwalang unti-unti nang namamatay ang Philippine movie industry.
“Hangga’t may mga Filipino na tumatangkilik sa mga pelikulang Pinoy, patuloy kaming magpo-produce,” sambit ng magaling na direktor sa Viva 2020 Vision presscon.
Kasabay nito ang hahayag na 34 pelikula ang gagawin nila ngayong 2020. Labinglima rito ay natapos na at sunod-sunod na mapapanood na sa mga sinehan.
Kasama rito ang action-movie ni Dingdong Dantes, ang A Hard Day na Filipino version ng 2014 blockbuster South Korean action thriller. Ito ring pelikulang ito ang entry nila sa Summer Metro Manila Film Festival 2020 at ang Tililing nina Baron Geisler at Gina Pareno.
Gagawin din ni Dingdong ang remake ng Joaquin Bordado na napanood noong 2008 sa GMA 7 at pinagbidahan ni Robin Padilla.
Kasama rin sa gagawing pelikula ng Viva ang pagsasama sa pelikula nina Regine Velasquez at Sharon Cuneta, ang Philippine adaptation ng 2011 Korean movie na Sunny. Ito’y tungkol sa isang babaeng nais tuparin ang dying wish ng kanyang BFF na muli silang magkasama-sama ng kanilang mga high school friend.
Mayroon ding reunion movie sina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi, ang Walang Ka-Paris na kukunan pa sa Paris, France.
Masasabi namang pinakamasuwerte sa hanay ng Viva talent si Bela Padilla dahil lima ang pelikulang pagbibidahan niya.
Nariyan na ang Valentine hugot movie nila ni JC Santos na On Vodka, Beers And Regrets, gagawin din nila ng aktor ang sequel ng 100 Tula Para Kay Stella; The Wedding Breaker; Spellbound; at ang Ultimate Oppa na makakatambal niya ang Korean actor na si Kim Gun-Woo.
Mayroon ding pelikula si Anne Curtis, ang The Devoted na co-production ng Viva Films at IdeaFirst Company.
Bukod kay Bela, si Janno Gibbs naman ang masuwerte sa mga lalaking alaga ng Viva dahil apat na pelikula ang nakalinya sa kanya. Kasama siya sa A Hard Day ni Dingdong samantalang bibida siya sa Pak-Boys; Mang Jose; at sa Pinoy version ng 2013 Mexican drama-comedy film na Instructions Not Included na kasama si Xia Vigor.
Dalawa naman ang pelikula ni Xian Lim, ang Love The Way You Lie kasama sina Alex Gonzaga at Kylie Verzosa na mala-Hollywood classic movie tulad bg Ghost. Bida rin si Xian sa malapit nang ipalabas na Untrue kasama si Christine Reyes. Isa namam itong suspense-drama-thriller na nakipagtalbugan siya ng akting at action skills sa aktres.
May follow-up movie rin si Aga Muhlach gayundin si Sarah Geronimo.
At dahil usong-uso ang mga Superheroes, may ganito ring pelikula ang Viva na pinagsama-sama ang mga Pinoy superheroes. Ito ay mula sa malikhaing imahinasyon nina Carlo J Caparas at Francisco Coching. Ibabalik ng Viva ang Pedro Penduko,, Joaquin Bordado, Elias Paniki, Gagambino, Kamandag, Valora, Berdugo, Totoy Bato, at Panday.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio